DAGUPAN CITY — Nagpahayag ng pagkatuwa ang isang guro sa pagkakasungkit ng Pilipinas sa ikalawang pwesto sa mayroong “high proficiency” sa buong Asia kasunod ng bansang Singapore pagdating sa paggamit ng wikang Ingles.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Princess Corpuz Fernandez, sinabi nitong isang magandang bagay ang nasabing usapin lalo na’t sa mga nakaraang ranking ay nasa ibaba ang Pilipinas na nagpapahiwatig naman ng maraming improvement kung saan ay nabibigyan ng atensyon ang wikang Ingles na siya namang pangalawang lengguwahe ng bansa.


Saad nito na nitong nakaraang mga taon partikular na sa panahon ng pandemya ay naging malaki ang adjustment ng education sector lalo na’t hindi nasanay ang mga mag-aaral na magsalita dahil lahat sila ay nasa modular setting kaya’t naging malaki ang transisyon ng mga ito.

--Ads--


Dahil dito, ay kinailangang mahasa ang apat na macro skills ng mga mag-aaral na kinabibilangan ng speaking, listening, reading, at writing, na kinakailangan sa paghubog ng kanilang proficiency level. Gayon na rin aniya ang pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad na tutulong upang mapanatili ang paghasa sa mga kakayahan na ito at upang mapanatili na rin ang lebel ng kahusayan ng bansa sa paggamit ng lengguwaheng Ingles.


Dagdag pa nito na posible namang makaangat pa sa kasalukuyang ranggo ang bansa lalo ngayon na may mga programa ang Kagawaran ng Edukasyon na ibinabalik ang mga pangunahing asignatura kung saan pagdating sa curriculum ay nakatutok ito sa pagbasa at tuloy-tuloy na paghubog sa reading comprehension ng isang mag-aaral.


Aniya na naniniwala naman ito na isa sa naging mga hadlang sa pagtaas ng English proficiency ng mga mag-aaral ay ang pagtuturo ng Mother Tongue bilang isang asignatura at midyum sa pagtuturo dahil sa simula pa lamang ay ang nasanay na sila sa paggamit ng kanilang salita.


Pagbabahagi pa nito na may ilan na hindi gaanong kasigla na matutunan ang lengguwaheng Ingles lalo na pagdating sa ilang mga public schools, marahil ay dahil sa hindi naitatak sa kanila ang kahalagahan ng paggamit ng nasabing wika lalo na para sa hinaharap. Madalas aniya ay iniisip lamang nila ang Ingles bilang isang asignatura at hindi bilang isang bagay na magagamit para sa kinabukasan.