‘Malabong maabot ang P20 na presyo ng bigas sa bansa.’
Ito ang binigyang diin ni Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of free farmers, matapos na napaulat kamakailan ang pagpapatupad ng P20 per rice distribution na presyo ng bigas sa Cebu. Ngunit matatandaan naman na agad itong pinasuspendi ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia dahil sa biglaang paglubo ng bilang ng mga benepisyaryo.
Ayon kay Montemayor, kung titignan aniya ay dapat na ang original target ng probinsya ay nasa tinatayang 200,000 na mga benepisyaryo ang nakalista, ngunit pagkatapos ng isang araw ng nasabing implementasyon ay lumubo ito agad sa 300,000.
Kaugnay nito, kinakailangan muna aniyang suriin ng gobernador kung kwalipikado ba ang mga nagpalista sa naturang programa, dahil sa ang nakalaang budget lamang para sa nasabing programa ay P1Milyon na inaasahang tatagal lamang mula sa isa hanggang tatlong buwan depende pa kung ilang kilo ang maaring bilihin ng isang benepisyaryo.
Inilahad din ni Montemayor ang katanungan kung saan maaring kumuha ang Cebu ng murang halaga ng bigas , at kung may sapat bang suplay ng bigas ang National Food Authority, dahil kung hahayaan ang naturang panukala ay inaasahang pagkalugi ang kahihinatnan nito ng nasa tinatayang P300 Milyon.
Kaugnay nito, lumalabas naman aniya na wala umanong posibilidad na bumaba ang presyo ng bigas sa mga susunod na buwan sa bansa dahil na rin sa mataas na presyo ng mga palay, at gano’n din aniya ang presyo sa mga imported na bigas, lalo na ang papalapit na El Niño sa bansa.