DAGUPAN CITY — Arestado ang isang 19-anyos na lalaki sa lungsod ng Urdaneta dahil sa kasong rape.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Lawrence Keith Calub, Chief of Police ng Urdaneta City Police Station, sinabi nito na inaresto ang suspek sa ikinasang operasyon ng Intel Operatives, Warrant Officers, kasama ang pwersa ng Police Regional Office I.
Sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumalabas na isinagawa ng suspek ang krimen nitong nakaraang Agosto kung saan ang suspek at biktima ay magkaibigan na nagkakilala online pitong buwan bago nangyari ang insidente. Aniya na may constant communication umano ang dalawa at nang sumapit ang kaarawan ng suspek ng nasabing buwan ay inimbitahan nito ang biktima.
Saad nito na sa pagtitiwala ng biktima sa suspek dahil sa pagkakaibigan nila sa loob ng pitong buwan ay tinanggap nito ang imbitasyon nito at nang sunduin ito ng suspek sa Brgy. San Vicente sa parehong lungsod at nagtungo sa bahay ng suspek kung saan nagkaroon ng handaan.
Kalaunan ay nagpaalam na umuwi ang biktima at sinabihan naman ito ng suspek na sasamahan niya ito subalit dahil sa kalasingan nito ay pinatuloy na lamang ito sa bahay ng suspek dahil nandon naman umano ang mga magulang nito. Dakong ala-1 ng madaling araw nang papasukin ng suspek ang biktima sa kwarto at dito na nga niya isinagawa ang panghahalay sa biktima.
Matapos ang insidente ay kaagad namang nakatakas ang biktima mula sa kwarto ng suspek at humingi ng tulong mula sa kanyang mga kaibigan, subalit dahil madaling araw nang mga oras na iyon ay kinailangan nitong maglakad sa highway at nakarating sa isang convenience store sa Brgy. Anonas at dito na siya sumakay ng tricycle pauwi sa kanilang bahay sa bayan ng Manaoag.
Agad naman nilang isinumbong ang pangyayari sa kapulisan matapos na malaman ng mga magulang ng biktima ang nangyari dito upang magsampa ng kaso laban sa suspek.
Hindi naman aniya nagtago ang suspek kaya hindi rin naging mahirap ang pag-aresto dito ng mga kapulisan, maliban na lamang sa isinagawa nilang matagal na pagmamanman dito.
Kaugnay nito ay nasa humigit 20 kaso na ng rape ang naitala nila sa kanilang lugar ngaying taon at ang kadalasang sangkot dito ay mga kabataan edad 18-pababa at mga estudyante.
Ito na aniya ang pinakamaraming naitalang kaso nila ng krimen sa lungsod ng Urdaneta kaya naman lumikha sila ng interbensyon kaugnay sa paglaban dito gaya na lamang ng Talakayan sa Hapagkainan na isang dayalogo kasama ang iba’t ibang sangay ng mga barangay at ang mga would-be suspects na kinabibilangan ng kasama sa bahay ng mga would-be victims na madalas ay kinasasangkutan ng mga broken family, kababaihan, o mga anak na ibinilin sa mga kamag-anak, at mga ulila.