DAGUPAN CITY — Nahaharap ngayon sa kasong Attempted Homicide ang dalawang kalalakihan matapos silang maaresto ng kapulisan sa bisa ng Warrant of Arrest sa bayan ng Balungao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Jimmy Paningbatan, Chief of Police ng Balungao Municipal Police Station, sinabi nito na naaresto nila ang dalawang suspek na kinilalang sina Alyas “Johnny” at Alyas “Willie” na magkapatid.
Sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumalabas na noong Pebrero nitong kasalukuyang taon, nagkaroon umano ang dalawang suspek ng hindi pagkakaintindihan sa biktima ng mga ito at nasaktan nila ito na nagdulot naman sa kanyang pagkaka-ospital.
Nang makalabas ito sa pagamutan ay nagsampa ito ng kaso laban sa magkapatid na nilabasan naman ng Warrant of Arrest sa kasong Attempted Homicide ng Balungao Municipal Trial Court.
Aniya na base naman sa interogasyon nila sa mga suspek, lumalabas na bago isinagawa ng mga suspek ang krimen ay pauwi na sana sila sa kanilang bahay nang hinarangan umano sila ng biktima sa kanilang daanan. Bunsod nito ay nagkaroon ang tatlo ng pagtatalo na umabot sa habulan at hindi umano nila inaasahang mapapalo nila sa ulo at sa ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima.
Pagbabahagi nito na hindi naman sila nahirapan na i-serve ang Warrant of Arrest laban sa mga suspek na nanatili naman sa kanilang barangay.
Dagdag nito na may kaukulan namang bailbond ang kasong kinakaharap ng mga suspek na nagkakahalaga ng P36,000 bawat isa at kung sakaling makapagpiyansa ang dalawa ay sasailalim sila sa paglilitis.