DAGUPAN CITY — Kasabay ng pagobserba ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women, nakiisa ang Bureau of Jail Management and Penology-Urdaneta District Jail-Female Dorm sa pagsasagawa ng iba’t ibang mga aktibidad na tumututok sa layunin ng naturang aktibidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay JO2 Lorena Coquia, Unit Chief ng nasabing pasilidad, sinabi nito na hindi lamang sa kampanya sa pagtaguyod ng kapakanan ng mga kababaihan ang kanilang isinusulong, subalit nagpapatuloy din ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Maliban pa dito ay mayroon din silang isinasagawang mga programa sa pagsulong ng BJMP Regional Office I, ang BJMP R1 Tulong sa Kalikasan, kung saan ay katuwang nila sa pagsulong ng programang ito ang DENR, CENRO Eastern Pangasinan, at ang General Service Office ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Urdaneta.
Sa ilalim ng kasunduang ito, magkakatuwang ang mga involved na ahensya sa paglilinis ng mga kailugan, at mga kakalsadahan sa mga Urdaneta, at gayon na rin ang pagsasagawa ng tree-planting activity na parte ng kanilang environmental campaign.
Bukod pa rito ay may iba’t iba pa silang mga programa gaya ng Pusong Alay, Batang Matagumpay na tumutugon naman sa pagkalinga ng mga bata sa lungsod ng Urdaneta o maging sa pangkalahatang Eastern Pangasinan bilang bahagi naman ng pag-implementa nila ng child-friendly facility.
Samantala, ibinahagi naman ni Jail Nurse JO2 Sunshine Bayang na sa pagbisita naman ng mga mahal sa buhay ng mga PDLs sa kanilang pasilidad ay ipinatutupad pa rin nila ang pagsusuot ng mga face mask, habang hindi naman nila pinahihintulutan na makapasok sa loob ng pasilidad ang mga bata edad 5 pababa.
Kabilang din sa mga protocols na kanilang ipinatutupad ay ang pagsusuri sa mga bisita kung mayroon bang mga karamdaman ang mga ito gaya ng sore eyes, at iba pang nakakahawang sakit upang maiwasan ang paglaganap ng mga ito sa loob ng bilangguan. Sa kasalukuyan ani Bayang ay nakakapagtala pa lamang sila ng ilang kaso ng ubo at sipon, subalit nananatili namang manageable ang pagkontrol sa mga ito.
Kaugnay nito ay nilinaw naman ni Coquia na mayroon silang schedule para sa pagbisita ng mga mahal sa buhay ng kanilang mga PDLs, kung saan ay wala umanong naka-schedule na dalaw tuwing Lunes at Biyernes.
Sa mga araw naman ng Martes hanggang Huwebes ay may nakalaan na visiting hours mula 01:00PM hanggang 05:00PM, habang tuwing Sabado at Linggo ay maaari naman silang dalawin mula 08:00AM hanggang 12:00NN o mula 01:00PM hanggang 05:00PM.
Samantala, sinabi naman ni SJO2 Rosalia Cortes, Acting Warden ng pasilidad, na pinag-aaralan pa nila ang pagkakaroon ng conjugal visitation para sa mga PDL dahil nais nilang siguruhin na hindi sila mabubuntis sa loob, habang pino-proseso na rin ang kasunduan nila kasama ang pamahalaang panlungsod ng Urdaneta at hinihintay na lamang ang tamang oras kung kailan mababakunahan ang mga PDL ng contraceptives.