DAGUPAN CITY — Nakakalungkot.

Ganito isinalarawan ni Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis ang usapin sa pagbuti ng buhay ng nasa 28% na mga Filipino sa nakalipas na 12 buwan.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na mahigit isang taon nang nanunungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., subalit wala man lamang naramdamang pagbuti sa buhay ng mga manggagawa at sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan.

Kaya naman ang datos na 28% lamang ang nagsasabing gumanda ang kanilang pamumuhay ay patunay lamang na kalakhan sa mamamayang Filipino ang patuloy na namumuhay sa kahirapan, lalong lalo na sa mga mahihirap na lugar na nalulugmok din sa kagutuman at kung saan ay nagiging talamak din ang mga krimen.

Aniya na hindi naman maikakaila na hindi naman bumaba ang presyo ng mga pagkain at serbisyo at sa halip ay linggo-linggo ang nangyayaring pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na syang humihila naman sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain at serbisyo.

Maliban pa rito ay wala ring nagiging makabuluhang paggalaw sa sahod ng mga manggagawa na nananatiling napakababa at kung mayroon mang pagtaas ay kakarampot at pili lamang ang mga nakikinabang. Nariyan din ani Adonis ang pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho at ang nakaambang pagkawala ng hanapbuhay ng mga maliliit na operator dahil sa PUV phaseout na nadaragdag sa unemployment rate ng bansa.

Bunsod naman ng kawalan ng konkretong pagtugon ng pamahalaan, partikular na ng kasalukuyang administrasyon, sa mga suliraning ito sa loob ng mahigit sa isang taon ay kahirapan at kagutuman talaga ang kalulugmukan mga mamamayang Filipino.

Aniya na sa kabila kasi ng pagkilala ng gobyerno at nakaraang mga administrasyon sa mga manggagawa bilang backbone o galugod ng ekonomiya ng bansa ay hindi naman nabubuhay ng desente ang mga manggagawa kumpara sa kayamanan na ibinibigay nila sa bansa at mga mamumuhunan, negosyante, at pamahalaan.

Saad nito na sa presyo pa lamang ng bigas ay hindi na natutupad ang sinabi ng Punong Ehekutibo na dapat nakapako sa pinakamataas nitong halaga sa P45/kilo, na taliwas naman sa presyuhan sa mga palengke na halos pantay na sa Metro Manila subalit hindi naman nakaangkla sa sinasahod ng mga ordinaryong manggagawa.

Dagdag pa nito na maraming itinutulak na mga resolusyon ang mga labor group upang kahit unti-unti ay natutugunan sana ang suliraning kinakaharap ng sektor ng mga manggagawa subalit pakiramdam umano nila na binabalewala lamang sila ng pamahalaan. At bagamat ang may pinakahuling salita sa mga usaping ito ay ang Pangulo, ang patuloy na pagkikibit-balikat ng pamahalaan ay hindi naaayon sa living wage na nakalagay sa konstitusyon subalit hindi natatamasa ng mga manggagawa.