Hindi alintana ng nararanasan nitong kawalan ng paningin, walang pagaalinlangan na nakiisa si Gavino Yap, miyembro ng Persons with Disabilities, sa pagdaraos ng Dugong Bombo: A Little Pain, A Life to Gain Blood Donation Program ng Bombo Radyo Philippines sa pakikiisa ng Philippine Red Cross at Bombo Radyo Foundation Inc. sa City Mall Mayombo.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na bagamat ito ang unang pagkakataon niyang nag-donate ng dugo para sa mga higit na nangangailangan, lubos naman nitong pinaghandaan ang nasabing aktibidad na aniya ay isang magandang adbokasiya upang makatulong sa kapwa.
Samantala, bagamat pangatlong pagkakataon pa lamang nitong makapag-donate ng dugo, maituturing naman ni Private 1st Class Joshua Meeko Generalia ng Philippine Navy Marines-Dagupan na isang nakaka-proud na karanasan ang pakikiisa nito sa blood drive ng Bombo radyo Philippines.
Sa kaugnay na panayan, sinabi nito na maraming matutulungan ang kanyang dugo sa pamamagitan ng napakagandang oportunidad na ito. Aniya na isang mabuti at magandang adbokasiya ng Bombo Radyo ang pagpapatuloy ng mga ganitong programa habang umaasa naman itong magpapatuloy pa ito sa mga susunod na taon.
Para naman kay Jordan Dagdag, miyembro ng Grand United Horizon Eagle’s Club ay hindi ito nahirapan kahit pa man ito ang unang pagkakataon na nagdonate ito ng dugo at bagkus ay maituturing ito bilang bahagi ng kanilang adhikaing makatulong sa mga nangangailangan.