Isa hanggang dalawang araw lamang umanong malalamayan ang labi ng pinaslang na Overseas Filipino Worker sa Israel na si Angelyn Aguirre na tubong Binmaley, Pangasinan dahil nasa state of decomposition na umano ang katawan nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jeff Bautista, isang Licensed Embalmer, marami umanong tama ng baril ang katawan ni Aguirre at hindi ito na-preserved ng maayos ng bansang Israel kaya’t ang ginawa lamang dito ay hypodermic embalming kung saan tinusukan lamang ito ng mga kemikal.

Bagamat mabigat man sa loob, pumayag na lamang ang mga pamilya ni Aguirre na dalawang araw lamang itong paglalamayan dahil kita rin aniya nila kung ano na ang lagay ng labi.

--Ads--

TINIG NI JEFF BAUTISTA


Kaugnay nito, mainit naman ang naging pagsalubong ng bayan ng Binmaley sa labi ni Aguirre sa pangunguna ni Mayor Pete Merrera kaninang alas-8:30 ng umaga bago ito dalhin sa kanilang tahanan sa Barangay Balagan.

Inaasahan naman ang pagsasagawa ng hero’s welcome mamayang ala-1 ng hapon sa kanilang tahanan kung saan inaasahang dadalo ang mga kawani ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Region 1 sa pangunguna ni administrator Arnel Ignacio.

Gayundin si Pangasinan Governor Ramon “Mon Mon” Guico III.

Matatandaan na napaslang si Aguirre kasama ang kanyang nakakatandang amo sa Israel nang pasukin ng mga militanteng Hamas ang bomb shelter na pinagtataguan nito at ng kanyang amo at pinagbabaril.