DAGUPAN CITY — Lulan ng kanilang maliliit na bangka ay pinilit na makarating sa pinakamalapit na pagdaraungan ang nasa 14 na mga Pilipinong mangingisda kung saan 11 ang nakaligtas habang nasawi naman ang 3 sa mga ito sa kasamaang-palad matapos na mabangga ng mas malaking barko ang kanilang bangka sa bahagi ng Bajo de Masinloc.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kina Marino Sandro, Jr. at Joselito Pacheco, kapwa residente ng Brgy. Cato, Infanta at mga kaanak ng ilan sa mga mangingisdang nakaligtas, ibinahagi ng mga ito ang tumambad sa kanilang imahe ng mga ito kung saan mababakas sa kanilang mga mukha pagkagutom, pagka-uhaw, at trauma dahil sa pangyayari.
Ani Pacheco na marami na ang mga bangkang nakaranas ng kaparehong engkwentro sa mga malalaking barko, subalit ito ang unang pagkakataong nauwi ito sa malagim na trahedya.
Saad nito na may mga barko kasing nagsasabing naka-automatic sila kaya naman kahit nakikita sila o hindi ay hindi na sila iilagan at deretso lamang ang kanilang tahak, kaya naman kahit pa mistulang aksidente o disgrasya lamang ang pagkakabangga sa bangka ng mga mangingisda ay may kasalanan pa rin ang barko.
Samantala, ibinahagi naman ni Sandro na unang binalak ng mga mangingisda na magtungo sa bahagi ng Scarborough Shoal sa Zambales, subalit naisip nilang baka wala ng mga bangka doon at maubusan lamang sila ng gasolina at diesel kaya pinilit nilang dumeretso sa bayan ng Infanta.
Aniya na dumaong sa kanilang barangay ang mga mangingisda dajong alas-11 na ng umaga ng parehong araw na iyon habang kaagad namang dinala sa pinakamalapt na pagamutan ang mga sugatang mangingisda. Dagdag nito na pansamantalang nanuluyan sa kanilang lugar sa loob ng mahigit isang araw ang mga ito bago sila inihatid ng mga awtoridad sa kani-kanilang mga tahanan.
Naniniwala naman ito na may pananagutan ang barko dahil bagamat nangyari ng madaling araw at wala pa gaanong liwanag ay may ilaw ang mga mangingisda nang mga oras na iyon.
Sa kasalukuyan ay minomonitor na rin aniya ng mga kinauukulan ang mga datos upang matukoy ang pagkakakilanlan ng naturang barko.
Kaugnay nito ay nagpahayag naman ito ng pakikiluksa sa mga pamilya at kaanak ng mga nasawing mangingisda sa trahedya, habang umaasa rin ang mga ito na mamadaliin ng gpbyerno ang pagtulong sa mga naturang mangingisda.
Samantala, tiniyak naman ng Coast Guard Pangasinan sa pamamagitan ni Station Commander Cmdr. Alexander Corpuz ang maigting na imbestigasyon hinggil sa pangyayari kung saan ay nakikipagugnayan na ang kanilang opisina sa National Coast Guard upang matukoy kung anu-ano ang mga commercial vessels na dumaan sa sa pinangyarihan ng insidente sa mga oras na iyon.
Aniya na mayroon na silang tinitingnang mga vessels, subalit hindi pa nila maaring ilabas ang mga detalye dahil nangpapatuloy pa ang ginagawa nilang imbestigasyon katuwang ang mga imbestigador bago ito itaas sa headquarters para sa kinauukulag disposisyon.
Matatandaan na dakong alas-4:20 ng madaling araw nitong Lunes habang nangingisda ang mga ito nang hindi nila namalayang may papalapit na barko sa kanila na nagresulta ng pagkakabangga sa sinasakyan nilang bangka.
Samantala, naihatid naman na kahapon ng 11 ng umaga ang mga mangingisda sa kani-kanilang mga lugar kung saan sila nakatira sa tulong ng mga awtoridad ng Brgy. Cato sa bayan ng Infanta.