DAGUPAN CITY — “Hindi na biro ang nangyayari.”
Ito ang patuloy na panawagan ng iba’t ibang transport groups sa pamahalaan na dinggin ang kanilang hinaing sa paggawa ng solusyon sa nananaig na krisis sa enerhiya kasabay ng ika-siyam an linggo ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ariel Lim, National President ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP), sinabi nito na nabalitaan umano nila mula sa Department of Energy na maaari pang manaig ng hanggang isang buwan at kalahati ang pagsirit ng presyo ng naturang produkto.
Aniya na kinakailangang kumilos ang pamahalaan sa lalong madaling panahon, kung saan ay hindi dapat panandaliang solusyon gaya ng ipinangakong ayuda sa kanila ang gawing solusyon sa suliraning ito.
Saad ni Lim na hindi ayuda ang kanilang kailangan sapagkat maliban sa hindi pa ito naipapamahagi sa kanila hanggang sa ngayon, ay hindi naman nito mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng petroleum products linggo-linggo.
Dagdag pa nito na ikinaaalarma na ng hanay ng transportasyon ang paglalaro ng itinataas na halaga ng produktong petrolyo at ito ay dapat na seryosohin ng mga kinauukulan.
Ani Lim na pansamantala lamang ang pagtaas ng pamasahe at hindi ito ang paraan upang maibsan ang paghihirap ng sektor ng pampublikong sasakyan, at kung mayroon mang mga pagtataas sa pamasahe ay napangiiwanan naman ang mga tricycle drivers at operators dahil lokal lamang ang prangkisa ng mga ito.
Paliwanag pa nito na kung hindi ito masosolusyunan ng pamahalaan ay mapipilitan lamang din na makilahok sa transport strike ang kalakhan sa mga grupo at organisasyon sa sektor.
Kaugnay nito ay umaasa naman ang kanilang hanay na magiging maayos at mas mapapabilis ang paglalabas ng mga plastic card licenses at mga plaka sa susunod na taon.
Aniya na hindi lamang sapat na napatunayan ng hanay ng publik transportation na may mga sindikato at problema sa sistema ng mga kinauukulang ahensya, subalit dapat na magkaroon ng mas mahigpit na patakaran at kamay ang mga nanunungkulan at nangangasiwa sa mga usaping ito upang maibigay na sa taumbayan ang kanilang mga lisensya at plaka.