Natagpuang nakadapa at wala ng buhay ang isang 52-anyos na lalaki sa isang irigasyon sa isang palayan sa bayan ng Sta. Barbara.
Ayon kay PLTCOL. Jun Wacnag, ang siyang Chief of Police ng Sta. Barbara Police Station, kinilala ang biktima na si Condrado Diaz Daroy, residente ng Sitio Calay, Barangay Tuliao sa bayan ng Sta. Barbara.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na bago ang insidente ay nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang biktima at nakita ng kanyang mga kapitbahay na mag-isang pumunta sa palayan upang manghuli ng isda gamit ang lambat bandang alas kwatro noong araw na iyon at bigo na umano itong makauwi sa kanilang bahay.
Base sa testimonya ng mga kapatid ng biktima na may sakit umanong high blood ang biktima ngunit sa kabila ng kanyang karamdaman ay tumanggi ang biktima na uminom ng kanyang maintenance.
Dahil dito, ito ang nakikitang rason ng kaniyang pamilya na marahil ay inatake ang biktima ng altapresyon na naging sanhi ng pagkahulog nito sa irigasyon at nalunod.
Sinubukan pa umano itong dalhin ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office at Sta Barbara Police Station sa malapit na ospital ngunit idineklara nang dead on arrival.
Kaugnay nito wala naman umanong nakikitang maaaring managot sa insidente.