DAGUPAN CITY — Umaabot ng mahigit P53-million ang kabuuang danyos sa sektor ng agrikultura mula sa Region I, II, III, Cordillera Administrative Region, bunsod ng pananalasa ng Bagyong Egay sa kalakhang bahagi ng Northern Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Elvin J. Austria Laceda, National President ng Young Farmers Challenge Club of the Philippines, sinabi nito na aasahan pa ang pagtaas nito dahil sa patuloy pa rin na pag-ulan at dahil na rin sa maagang nagtanim ang mga magsasaka dulot ng itinaas na El Niño warning kaya karamihan sa mga naperwisyong pananim, gaya na lamang ng mga palay, ay mga nakatakda na sanang anihin ng mga magsasaka.

--Ads--

Aniya na bagamat nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Egay ay mas malaki pa ang inaasahang damages sa sektor ng pagsasaka dulot ng Bagyong Egay, lalo na sa mga lalawigan na labis na napinsala gaya na lamang ng Cagayan Valley at Ilocos Norte na nakaranas ng labis na pagbuhos ng ulan at pagbaha.

Saad nito na ito na ang pinakamaulang Hulyo sa buong kasaysayan ng Ilocos Norte na nakaranas ng pagbagsak ng pagulan na umaabot sa 400mm sa iisang araw lamang, kaya naman ay labis na naapektuhan ang food production ng bansa.

Dagdag pa ni Laceda na bagamat inaasahan na makakabangon ang mga magsasaka ay isang malaking kawalan ang pinsala na natamo ng mga sakahan sa pagbayo ng malalakas na hangin at tuloy-tuloy na mga pag-uulan.

Kaugnay nito ay kanyang ibinahagi na mayroon nang ginagawang agarang pag aksyon ang kanilang grupo kung saan ay patuloy silang kumakalap ng mga datos kung ano ang mga nalalabing pag-aani ngayong linggo at gayon na rin ang patuloy na pagdedeliver ng fresh produce sa Metro Manila at para na rin sa mga magsasaka upang matulungan silang makabangon at makapag-project ng kinakailangang bilang ng produkto ng mga merkado.

Bukod pa rito ani laceda ay nakatulong din ang maagang abiso ng mga kinauukulan hinggil sa El Niño upang ma-plano ang mga pagtatanim ng mga magsasaka.

Gayunpaman, isa namang maituturing na makapaminsala ang climate change, lalo na’t katatapos lamang ng isang bagyo bago ito sinundan ng Super Typhoon Egay, at sa kasalukuyan ay mayroon na namang binabantayang sama ng panahon.

Kaugnay nito ay kanilang pinangangambahan na maaaring madoble ang inilabas na datos ng Kagawaran ng Pagsasaka lalo na’t bumababa galing sa Cagayan Valley ang tubig ulan kaya naman ay mas maraming mga palayan ang mapipinsala lalo na Rehiyon 2 na itinuturing na isa sa mga pangunahing producer ng bigas sa bansa.

Maliban pa rito ay binigyang-diin pa ni Laceda na hindi na uubra ang kalakaran ng “business as usual” sa sektor ng agrikultura lalo na sa nararanasang pabago-bagong panahon sa bansa, at sa halip ay kinakailangan na masimulan na ang pagtatanim ng high-value crops na hindi nangangailangan ng malaking espasyo, subalit mataas ang presyo nang sa gayon ay makakabawi ang sektor ng pagsasaka sa pagiiba-iba ng panahon.

Mahalaga rin aniya na hindi lang naaabisuhan ang mga magsasaka tuwing may paparating na mapaminsalang kalamidad, subalit gayon na rin ang pagkakaroon ng iba’t ibang klase ng mga pananim na kayang tumagal at mabuhay mula sa pagkakababad sa tubig ng matagal na panahon.

Gayon na rin ang pagkakaroon ng makabuluhang interbensyon mula sa mga kinauukulan upang mas mapabilis pa ang pagtugon sa mga panahon ng kalamidad gaya na lamang ng pagtulong sa mga apektadong lugar, makapagbigay ng planting materials sa mga magsasaka, pamamahagi sa kanila ng crop insurance upang matulungan silang makabangong muli.

Hinihikayat naman nito ang mga magsasaka na nais makipagtulungan sa kanilang organisasyon na maaari silang kontakin sa Facebook o sa kanilang e-mail na elvin@sakahon.com o bisitahin ang kanilang website sa sakahon.com nang sa ganon ay matulungan ng kanilang organisasyon ang mga magsasaka.