Lubos na kinokondena ng National Union Journalist of the Philippines ang panibagong kaso ng pamamaril sa isang photojournalist sa Quezon City.
Ayon kay Jonathan De Santos, ang Chairman ng naturang ahensya, maaari umanong dahil sa pagiging witness ng biktimang si Joshua Abiad sa ilang mga drug operations ang naging motibo ng suspek kung bakit nagawa ng mga ito ang krimen.
Kabilang sa mga nadamay at sugatan sa nangyaring pananambang ng mga hindi pa nakikilalang gunmen ang tatlong kamag-anak ng pinaslang na mamamahayag.
Dagdag pa ni De Santos na hindi na bago ang mga insidenteng katulad nito na tiyak na nakakaalarma sa publiko dahil matatandaang marami na rin sa mga mamamahayag ang napaslang katulad na lamang ni Percy Lapid.
Ipinagkakatiwala na lamang umano ng kanilang ahensya ang paghahanap sa mga responsable sa krimen sa imbestigasyon ng mga pulisya.
Bagamat bahagi ng tungkulin ng isang mamamahayag na tumutok sa mga kasong katulad ng iligal na droga, pinaalalahanan nito ang mga mamamahayag na magkaroon ng doble ingat dahil maaaring mailagay lamang sa panganib ang sarili.
Aniya sapat nang maipahatid ang impormasyon patungkol sa iligal na kalakaran sa droga bilang bahagi ng tungkulin ng isang mamamahayag.
Samantala, pinuri naman ni De Santos ang ilang mga pagbabago sa pakikitungo ng bagong administrasyong Marcos sa hanay ng mga mamamahayag.
Ikinatuwa naman aniya nila ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan partikular na binanggit ang kapakanan at proteksyon ng mga manggagawa sa media.
Hiling na lamang nito na maisama sa magaganap na State of the Nation Address ng pangulo ang pagpapa-igting ng freedom of information hindi lamang sa media kundi maging sa lahat ng publiko.