Dinagsa ng mga pasaherong pabalik na sa kani-kanilang mga trabaho ang isang bus terminal sa Perez Boulevard sa lungsod ng Dagupan pagkatapos ng selebrasyon ng Semana Santa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Carlito Alcantara, ang siyang Terminal Master ng isang bus company, inasahan na umano nila ang dami ng mga pasaherong magsisibalikan sa kanya-kaniya nilang trabaho at maaari aniya itong umabot hanggang Miyerkules ng madaling araw.
Paalala rin nito na bawal magdala ng anumang mga matutulis na bagay katulad na lamang ng mga materyales na ginagamit sa pagkakarpintero at mga bagay na maaaring pagsimulan ng sunog.
Pwede naman aniyang magsakay ng alagang hayop katulad na lamang ng aso at pusa ngunit mas maigi aniyang naka-diaper ang mga ito upang maiwasan ang pagdumi ng mga ito sa loob ng bus.
Dagdag pa nito na nakaantabay rin ang mga ibinebentang tubig at mga pagkain sa terminal para sa mga nag-aabang na mga pasahero.