Naglabas ng pahayag ang Alliance of Concerned Teachers Partylist kaugnay sa kanilang isinusulong na peace negotiation na tinanggihan ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Representative France Castro, mukhang nagsimula umano ang galit ni bise presidente sa kanilang grupo nang humiling ang mga ito ng dagdag na allowance para sa mga guro ng pampublikong paaralan sa Pilipinas ngunit hindi umano niya pinagbigyan at minasama pa nito.

Kaugnay nito patuloy naman aniyang naninindigan ang kanilang hanay sa kanilang mandato at pagbibigay ng suhestyon sa Department of Education (DepEd) upang mapahusay at magkaroon ng kalidad na edukasyon at upang maresolba ang hidwaan sa pagitan ng mga militar, National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng New People’s Army (NPA).

--Ads--

Natural naman aniya na maging critical ang ACT Partylist sa mga polisiya na tingin nila ay hindi makabubuti kung kaya’t kanila itong pinupuna at nagbibigay rin ng alternatibong pamamaraan at kung ito ay minamasama umano ni bise presidente ay wala na aniya silang magagawa roon dahil nakikipagtulungan naman ang kanilang hanay sa lahat ng administrasyon.

Samantala dagdag pa ni Castro na mariin nilang kinokondena ang pag-uugnay ng bise presidente sa ACT Teachers sa New People’s Army at Communist Party of the Philippines kung saan idinidiin nito ang grupo sa kanila umanong tahimikan sa pag-atake ng NPA sa anim na bayan ng Masbate na siyang nakaapekto na sa 55,199 estudyante at 2,815 school personnel.

TINIG NI FRANCE CASTRO