Nagbigay ng paalala ang Pangasinan Provincial Health Office sa mga mamamayan na nagbabalak magpenetensya bilang parte ng tradisyong ginagawa sa Semana Santa ukol sa pag-iwas sa sakit na maaaring makuha dahil dito.
Ayon kay Dra. Anna De Guzman, siguruhing na-sterilize at walang kalawang ang mga gagamiting materyales na ipinangpapalo sa likuran ng mga deboto.
Ang mga sugat naman na matatamo dulot ng naturang gawain, siguruhin aniyang magtungo agad sa pinakamalapit na health center upang magamot at malinisan agad at kinakailangan aniyang mabigyan ng gamot at anti-tetanus shot.
Isa ring dapat aniyang ikonsidera ay ang lagay ng panahon dahil uso na naman ang pagkakaroon ng heat stroke gawa ng mainit na panahon na isa sa makakadagdag sa pagkakaroon ng sakit.
Dagdag pa ni Dra De Guzman na kinakailangan ding mag-hydrate sa pamamagitan ng pagdadala ng payong at tubig hindi lamang sa mga nakikipinetensya kundi maging sa mga nakikiprosesyon.
Paalala naman nito na hanggat maaari ay iwasan muna ang mga paghalik sa mga Santo dahil patuloy parin aniy ang pag-iral ng COVID-19.