Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Dagupan ang isang Overseas Filipino Worker mula sa bansang Kuwait upang iparating ang hiling nitong makauwi na rin ng Pilipinas dahil sa hindi makatarungang trato sa kaniya ng kaniyang employer.

Inihayag ni Jay-Ann M. Enoc na nais na niyang umalis ng naturang bansa dahil natatakot na umano ito sa kaniyang employer kasama ng isa pa nitong kasamahan.

Nagsimula umano siyang itrato ng kaniyang amo ng hindi maganda nang pagselosan siya nito sa kaniyang asawa.

--Ads--

Pagbabahagi ni Enoc na nang maipaabot sa kaniyang employer ang reklamong natanggap ng kaniyang agency mula sa pamilya nito sa Domalinao, Zamboanga Del Sur, galit na galit umano ang kaniyang amo at hinila-hila umano siya nito at tinulak gayundin ang isa pa nitong kasama.

Simula aniya nang siya ay pagselosan ng kaniyang among babae ay kung anu-ano na ang iniuutos nito sa kaniya sa puntong halos hindi na nito siya bigyan ng pahinga.

Pinagselosan umano siya ng kaniyang amo dahil sa tuwing naghuhugas ito ng pinggan ay naroroon din ang kaniyang among lalaki at pinaghihinalaan pa itong tumitingin sa lalaki.

May pagkakataon aniya na tatlong araw na silang hindi pinapakain ng kanilang employer.

Ibinahagi na rin umano ni Enoc ang isyung ito sa N` Queen agency na kaniyang kinabibilangan ngunit wala umanong pakialam ang mga ito.

Dagdag pa nito na hawak umano ng kanilang amo ang kanilang pasaporte.

Hindi rin aniya sila binibigyan ng day off.

TINIG NI JAY-ANN M. ENOC