Mabagal ang proseso ng pag-akyat ng bilang ng mga nagpaparehistro ng kanilang Subscriber Identity Module (SIM) card sa nalalapit nitong deadline.
Ito ang ibinahagi ni John Benedict Dioquino, ang Project Development Officer 1 ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 1 sa panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.
Base aniya sa kanilang spokesperson, ikinokonsidera nila ang 120 na araw ng extension depende sa magiging resulta ng rehistrasyon.
Ang kawalan ng signal o mahinang internet connection ng mga mamamayang nasa malalayo at tagong lugar ang tinukoy ni Dioquino na dahilan kung bakit hindi pa nakakapagparehistro ang ilan sa mga users.
Bunga nito, nakikipag-ugnayan na ang kanilang ahensya sa mga local government units (LGUs) upang maipadala ang kanilang serbisyo sa kanilang lugar.
Posible rin aniyang dahilan ang pagkakaroon ng mga Pilipino ng last minute mindset kung saan magrerehistro lamang ang mga ito kung malapit na ang deadline.
Marahil din umanong nagtetake advantage ang mga ilan sa mga ito sa 40 araw na palugit.
Pagbabahagi pa ni Dioquino na bumaba na rin maging ang koordinasyon kung saan hanggang barangay level na lamang umano kung kaya nagiging agresibo na ang promosyon ng SIM card registration.
Sa kasalukuyan ay mayroon silang Tech4ED centers na isa sa mga programa ng DICT na tumutulong upang kahit papaano ay mapabilis ang proseso ng pagpaparehistro at mapataas ang bilang nito kada araw.
Hinikayat din nito ang LGUs na ipromote ang SIM card registration act sa kanilang mga constituents.
Dahil sa mabagal na pag-akyat ng bilang ng mga nagpaparehistro, malamang aniya ay mananatili pa rin ang mga links ng Telecommunications na siyang ginagamit upang makapagparehistro at aniya marahil ay nakadagdag din sa bilang ng mga hindi pa rehistrado ang mga scammer.