Umalma ang isang grupo ng mga draybers at operators sa lalawigan ng Pangasinan sa planong maibalik sa pasahe sa mga jeepney sa siyam na piso.
Ayon kay Bernard Tuliao ang siyang presidente ng Alliance United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO) Pangasinan na sa kasalukuyan ay unti-unti pa lang nakakabawi ang mga draybers sa kamakailang pagpapatupad ng taas singil sa pamasahe kung kaya naman magiging dagok aniya sa kanilang hanay kung babawiin ito.
Aniya na wala pang kasiguraduhan sa presyo ng produktong petrolyo dahil hindi pa rin tapos ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Dagdag pa nito na kung maibababa sa 50 pesos ang presyo ng krudo ay posible naman umanong maikonsidera ang pagbabawas sa kasalukuyang singil sa pamasahe.
Punto pa nito na bago pa manalasa ang pandemya ng Covid sa bansa ay kanila nang idinadaing ang pagtaas sa pamasahe na noong nakaraang taon lamang naipatupad.
Pagsasaad pa ni Tuliao na ang mga tulong o subsidiya ng pamahalaan para sa service contracting program na muling ilulunsad sa gitna ng pagbalik sa naturang presyuhan ng pamasahe ay prayoridad naman umano ang mga modern jeepneys
Bagaman wala pa umanong kautusan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1 ukol dito ay umaasa silang magkakaroon muna ng mas malalimang pag-aaral dito.