DAGUPAN, City- Matagumpay na nahuli ng pinagsamang pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Pangasinan at ng Manaoag Police Station ang isang High Value Target na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga matapos ang ikinasang buy bust operation sa Barangay Poblacion sa bayan ng Manaoag.
Ayon kay Rechie Camacho, Provincial Officer ng PDEA Pangasinan kinilala ang suspek na si Ronald Reyes, 46 taong gulang, at residente ng lungsod ng Dagupan.
Nasamsam sa operasyon ang isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 50 gramo na nagkakahalaga ng P340,000, isang itim na sling bag, isang motorsiklo, dalawang identification card, isang maliit na brown envelop, isang mobile phone, at ang buy-bust money.
Aniya, matagal nang nasasangkot sa pagbebenta ng illegal na droga angs suspek kaya naman nang makapagbigay ng tip ang informant ng kanilang ahensiya ay agad na nakipag-ugnayan ang kanilang mga agents sa naturang suspek.
Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng RA 9165, o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang isasampa laban sa suspek, at ngayon ay nakakulong sa PDEA Pangasinan Provincial Office, Urdaneta, Pangasinan.