DAGUPAN, City- “Hindi pwedeng madaliin ang modernisasyon sa mga traditional jeepney.”

Ito ang binigyang diin ni Jaime Aguilar, Secretary General ng National Confederation of Transport Workers Union hinggil sa nagpapatuloy na isyu ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa bansa.

Ayon kay Aguilar, bagaman maganda ang hangarin ng jeepney modernization, sa ngayon ay maraming mga salik na kinakailangan na ikunsidera ng pamahalaan bago ito tuluyan na ipatupad ng isang daang porsyento sapagkat maraming mga draybers ang maaring magipit sa naturang hakbang.

--Ads--

Aniya, ang pinakamalaking hamon para ito ay ipatupad ay ang pondo para suportahan ang mga maliliit na mga kooperatiba para sa kanilang loan upang makakuha ng unit ng mga modern jeepneys.

Napag-alaman kasi na nasa 1.7 bilyon pesos lamang ang inilaang pondo para dito na hindi sasapat sa lahat ng mga draybers sa buong Pilipinas.

Bukod pa riyan, mahihirapan ding makabawi ang mga draybers sa kanilang kita upang makapagbayad ng kanilang nautang na pera para makabili ng unit ng bagong jeep lalo na kung maiksi lamang ang ibinibigay na ruta na inaaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Kinakailangan umano maging maayos ang paggagawad ng ruta sa kanila lalo na at maari naman umanong pagsamahin na ang mga magkakalapit na ruta na maaring ikutan ng isang unit upang makadagdag din sa kita ng mga drivers upang makabawi kung sakali sa utang mula sa pag-comply sa nasabing kautusan.

Dagdag pa ni Aguilar, mayroon ding problema madalas sa pagsali ng kooperatiba dahil na rin sa mga isy ng kurapsyon at ruta.