Tintiyak ng Police Regional Office 1 na nananatiling generally peaceful ang Rehiyon Uno sa kabila ito ng mga naging kaso ng pag-atake at pagpatay sa ilang mga opisyal ng gobyerno sa bansa.
Isinaad ni PCapt. Karol Baloco ang siyang Public Information Officer ng PRO1 na matapos ang naging mga insidente ng pananambang ay agad na nagkaroon ng direktiba ang kanilang Regional Director PBGen John Chua para sa threat assessment ng lahat ng mga elected officials.
At base sa kanilang tala ay walang natatanggap na anumang banta ang ilang mga namumuno sa gobyerno.
Kaugnay nito ay wala rin sila umanong natatanggap na anumang kahilingan mula sa mga politiko ng karagdagang seguridad na isa rin aniyang magandang senyales na payapa ang buong rehiyon uno.
Bagaman maayos ang kasalukuyang sitwasyon ng rehiyon ay nakaalerto naman umano ang kanilang hanay kung saan ay nagkaroon na ng mga karagdagang checkpoints sa mga itinuturing na mga hotspots na mga lugar.
Tuloy-tuloy din aniya ang kanilang mga preventive measures na magpapanatili sa malakas na presensya ng bawat kapulisan.
Samantala kaugnay naman sa pagdiriwang ng intenrational women’s month ngayong Marso ay kinikilala aniya ng kanilang hanay ang lahat ng mga tungkulin ng mga babaeng kapulisan kung saan una rito ay nagkaroon ng kick off ceremony nitong Lunes para sa naturang pagdiriwang.
Nagkaroon aniya ng pagkilala sa ilang mga kababaihang chief of police na namumuno sa ilang mga city police station at mayroon din aniyang mga programang ipapatupad para sa naturang selebrasyon.