DAGUPAN CITY —
Nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ang isang 30-anyos na lalaki sa bayan ng Pozorrubio matapos nitong ibenta ang kanyang ninakaw na baka sa kanilang barangay kagawad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Zynon Paiking, Chief of Police ng Pozorrubio Municipal Police Station, sinabi nito na lumalabas sa kanilang isinagawang imbestigasyon na hapon na ng mapansin ng may-ari ng baka na nawawala na ito kaya’t nag ikot-ikot ito sa mga kalapit na barangay kasama ang ilang barangay officials upang hanapin ang naturang baka.
Sa kanilang pag-iikot ay dito nila naka-usap ang barangay kagawad na si Florante Palang na pinagbentahan ng suspek ng nawawalang baka. Saad ni Palang na mayroon siyang nabili na baka mula sa suspek, na kinilalang si Fidel Francis Ungria, 30-anyos, at residente ng nasabing bayan, na siya namang ka-barangay nito.
Nang mapatunayan na ito nga ang nawawalang baka ng biktima ay kaagad namang nakipagtulungan ang barangay kagawad sa mga awtoridad upang matunton ang suspek at sinabi rin nito sa mga pulis ang pagkakakilanlan ng bito at kung saan ito matatagpuan.
Kaagad naman aniyang inaresto ang suspek at boluntaryo na rin niyang ibinalik ang ninakaw nitong baka. Sa ngayon ay dinala muna ang pera na napagbentahan ng suspek na nagkakahalagang P32,000 porsecutor at korte bilang ebidensya at ibabalik din sa biktima kapag naitala na ang serial number ng mga ito.
Dito na rin napagalaman, ani Paiking, na matagal nang nasasangkot ang suspek sa buy-and-sell ng mga livestock gaya ng kambing at baka.
Bagamat patuloy pa ring tinutukoy ang motibo ng suspek sa naturang pagnanakaw ay tinitignan ding anggulo ngayon ng pulisya ang kalagayan ng pamilya nito na lubhang nangangailangan.
Ito naman aniya ang unang insidente ng cattle rustling na naitala nila sa kanilang lugar ngayong taon.
Sa ngayon ay pansamantala namang nakapiit sa kustodiya ng kapulisan ang suspek at nahaharap ito sa kasong may kaugnayan sa paglabag sa Presidential Decree No. 533 o ang Anti-Cattle Rustling Law of 1974.
Paalala naman nito sa publiko na bantayang maigi ang mga alagang hayop at sa halip na iwan ang mga ipinapastol na hayop ay pasyalan din ang mga ito at kung hindi man maasikaso ang mga ito ay humingi ng tulong mula sa isang caretaker na magbabantay sa mga ito upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari.