DAGUPAN, City- Humihingi ng tulong sa gobyerno sa pamamagitan ng Bombo Radyo ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Malaysia upang makauwi na ng Pilipinas dahil sa kanyang sakit na Cervical cancer stage 4.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Corazon Nadura, nang lumapit sa kanya ang kapwa OFW na si Virginia Castro, nakita nito ang kanyang kinakaharap na problema sa kanyang kalusugan at ninanais na makauwi na sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.

Aniya, base umano sa resulta ng MRI ni Castro, nagsimula nang kumalat ang cancer cell sa kanyang liver, lungs, at thyroid, kaya may mga pagkakataon na naglock na kanyang panga at nahihirapang huminga.

--Ads--

Isa pa sa mga problema nila ay ang mahal na gastos sa pagpapagamot sa Malaysia kaya nais na nila na maiuwi ito sa Pilipinas at gayundin na makita ang kanyang mga kaanak lalo na ng kanyang mga anak sa lalawigan ng Isabela.

Nagsagawa na rin ng donation activity ang mga Filipino groups sa Malaysia upang tumulong sa pagpapagamot at sa pag-uwi niya sa Pilipinas ngunit mas mainam umano aniya na mabigay ito ng buo sa kanya.

Saad naman ni Virginia Castro, lumala na ang kanyang iniindang sakit sa pamamalagi sa naturang bansa kaya ang hiling nito ay makauwi na sa Pilipinas at makasama ang kanyang mga anak na nagsisisilbing lakas nito upang labanan ang kanyang kondisyon.