Ibinahagi ng kauna-unahang Filipina stewardees sa Oil Drilling platform sa Netherlands at manunulat na si Remedios Dorio ang kaniyang naging karanasan bago siya makatuntong sa kaniyang tinatamasa ngayon.
Aniya labing anim na taong gulang pa lamang siya noon nang magsimula siyang mag-audition sa isang radyo bilang drama talent ngunit ilang beses pa umano siyang nagpabalik-balik bago siya bigyan ng proyekto.
Noong una aniya ay isang linya lamang ang ibinibigay sa kaniya sa kadahilanang hindi umano akma ang kaniyang boses sa kaniyang binabasa ngunit nang kaniyang mapag-alamang nangangailangan ang production manager ng isang manunulat ay agad niyang iprenisinta ang kaniyang sarili.
Bagamat hindi siya marunong magtipa sa keyboard noon, positibo pa rin niyang sinagot ang direktor na kinuwestyon ang kaniyang kaalaman sa pagsusulat dahil kulang pa umano ang kaniyang karanasan sa kadahilanang masyado pa itong bata ngunit saad niya na lahat naman ng mga bagay ay napag-aaralan.
Dahil sa determinasyon ay napagbigyan ang kagustuhan ni Dorio at dito na nga nagsimula ang kaniyang career bilang isang manunulat.
Gawa ng pagkahilig ni Dorio sa kaniyang pagsusulat, nalinang ang kaniyang karanasan dito at madalas sa kaniyang isinusulat ay patungkol sa buhay at sa Panginoon.