Nakikiisa ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa paggunita ng makasaysayang EDSA People Power Revolution na ngayo’y nasa ika-37 na anibersaryo.
Ayon kay Rafael “Ka Paeng” Mariano, ang Chairman Emeritus ng naturang ahensya, patuloy ang kanilang paninindigan at pagpapahalaga sa diwa ng naturang rebolusyon.
Kung babalikan aniya ang mga karapatang ipinaglaban ng sambayanang Pilipino sa panahong iyon, laban sa diktadura ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., dapat aniyang maipagpatuloy pa rin at pagtibayin hanggang sa kasalukuyan.
Tila hindi na maialis ang naging legasiya ng pamilya Marcos sa naturang rebolusyon kung saan, binigyan pa ni Mariano ng kahulugan ang kanilang apelyido kabilang na rito ang paglalakip ng Martial law.
Dagdag pa nito na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang mga mamamayang nalabag ang kanilang karapatang pantao.
Maliban dito umiiral pa rin aniya ang weaponization of law kung saan ginagamit ang batas para kitilin ang mga demokratikong karapatan.