Dapat magkaroon ng ganap na pagpapa-unawa.
Ganito ang naging pahayag ni Rafael “Ka Paeng” Mariano, Chairman Emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang patungkol sa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit ng teknolohiya gaya ng digitalisasyon ng farmer registry at paglikha ng digital food balance sheet (FBS) sa pagpapatibay ng agriculture sector sa bansang Pilipinas.
Aniya bago ilunsad ang bagay na ito ay dapat na maipaliwanag ng DA kung para kanino ba ang digitalisasyong ito, ano ang ibig sabihin, sinu sino ang mga makikinabang, ano ang maidudulot sa mga manggagawang bukid maging sa mga nagtitinda.
Matagal na umano itong ipinag-uutos at mandato ng naturang ahensya ngunit hindi pa ito fully established.
Kung tinatanong aniya ang mga ito kung ilan na ang produksyon ng mga partikular na produkto, nagkakaiba-iba umano ang datos na inilalatag ng Department of Agriculture (DA) at iba pang kaugnay na ahensya tulad ng Bureau of Plant and Industry at Bureau of Customs (BuCor).
Dapat aniya na kapag magpepresinta ng datos ang pamahalaan ay naaayon sa konkretong impormasyon upang magkaroon ang mga ito ng kredibilidad at reliability sa puntong hindi sila makukwestyon.