DAGUPAN CITY — Nais paalalahanan ng True Colors Coalition ang Department of National Defense at ang Armed Forces of the Philippines na ang pinaka-layunin ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Bill ay ang pigilan ang paglaganap ng diskriminasyon sa hanay ng LGBTQIA+ community.

Ito ang binigyang-diin ni Jhay de Jesus, Spokesperson ng True Colors Coalition, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay sa binitiwang pahayag ng naturang ahensya hinggil sa pagiging “exempted” ng Armed Forces of the Philippines patungkol sa nabanggit na usapin.

--Ads--

Ani De Jesus na ang request ng mga nasabing ahensya ay isang porma ng diskriminasyon laban sa mga LGBTQIA+ community at hindi sinasalamin ang pagkilala sa karapatan ng naturang grupo sa kanilang kagustuhan na magsilbi sa taumbayan sa pamamagitan ng pagpasok at pakikilahok sa mga serbisyo gaya ng AFP, military, at iba pang serbisyo na naglilingkod sa interes at pangangailangan ng mamamayang Pilipino.

Saad ng tagapagsalita na wala dapat pumipigil at nagiging balakid sa kagustuhan at karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa kanilang pagnanais na paglingkuran ang mamamayan.

Maliban pa dito ay tinuturing din ng kanilang samahan ang pagpapahayag ng pagkabahala ng kahulugan ng diskriminasyon na maaaring makaapekto sa patakarang militar ng hanay ng Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense bilang pagkilala na nakakagawa sila ng mga diskriminasyon at paglabag laban sa LGBTQIA+ people.

Aniya na kung wala silang nagagawang diskriminasyon at kinikilala ng kanilang institusyon ang pagtanggap sa sa hanay ng mga LGBTQIA+ community, ay hindi sila magkakaroon ng ganitong alalahanin kahit pa sabihin na “malabo” at masyadong “malawak” ang nasasakupan ng SOGIE Bill.

Gayunpaman, hindi umano ito sapat na maging dahilan upang sabihin o ipakiusap ng mga nabanggit na ahensya na sila ay i-exempt, bagkus mas inaasahan mula sa kanila na bilang pakikipag-ugnayan hinggil sa naturang usapin ay ang pagmungkahi ng partikular na probisyon o panukala patungkol sa SOGIE Bill upang makita kung ano ang nais nilang iparating sa pagpapahayag na masyadong malawak ang usaping ito, at kung ano nga ba ang nais nilang pagbibigay-kahulugan sa salitang diskriminasyon upang masabi nila na ito paglabag sa karapatan ng mga LGBTQIA+ people.

TINIG NI JHAY DE JESUS, SPOKESPERSON, TRUE COLORS COALITION

Kaugnay nito ay binigyang-diin din ni De Jesus na hindi na nakakabigla ang naging pahayag ng DND kaugnay sa naturang usapin, lalong-lalo na aniya na nagmula ang mga salita na ito sa isang ahensya na nage-ehersisyo ng machismo, patrirarkiya, hirarkiya, at matinding pagsunod sa personahe at kultura na hindi umaayon sa nararapat na kultura ng lipunan.

Sa kabila nito, habang inasahan naman ng kanilang grupo ang ganitong klaseng pushbacks sa iba’t ibang mga sektor, maging sa gobyerno man o sa pribadong sektor, ay lumalaki rin aniya ang paninindigan ng LGBTQIA+ community sa kanilang pagsulong sa ipinaglalabang adbokasiya sapagkat lalo ring napapatunayan ng prosesong ito ang matagl ng sinasabi ng LGBTQIA+ people ang mga kaso ng diskriminasyon at paglabag sa karapatan ng kanilang komunidad.

Maliban nito ay inihayag din ni De Jesus na patuloy din ang kanilang pag-mumulat sa kaisipan ng mga tao hindi lamang sa usapin ng naturang batas kundi gayon na rin sa pang-araw araw na nararanasang diskriminasyon ng mga LGBTQIA+ people upang mas lalong maipaintindi sa bawat isa sa pangangailangan ng batas na magpo-protekta mula sa mga karahasang nangyayari sa komunidad at magtitiyak na magkakaroon ng pananagutan ang mga magkakasala sa paggawa ng diskriminasyon sa lipunan.