DAGUPAN CITY — “May mga limitasyon.”
Ito ang naging pahayag ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Lawyer, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Ipinaliwanag niya na sa pagsulong nito ay mayroong mga pagkakataon na nililimitahan sa mga dayuhan alinsunod sa nakasaad sa 1987 Philippine Constitution. Aniya na pinag-uusapan ang mga pag-amyenda sa Konstitusyon ng bawat administrasyon, kung saan ay unang tinatalakay ang economic provisions upang hindi masabi na ang rason ng pag-amyenda para sa Charter Change ay “political”.
Gayunpaman, kung iisipin aniya, na sa pagbubukas ng floodgates para sa pag-amyenda o pag-revise ng Constitution, ito man ay sa pamamagitan ng constitutional contention o di naman kaya’y constituent assembly, hindi lamang economic provisions ang paniguradong mapag-uusapan subalit gayon na rin ang mga usapin hinggil sa political provisions kung saan ay matatalakay kung magiging unicameral Congress o bi-cameral Senate, o ipagpapatuloy ang House of Representatives, at kung ilang termino at limitasyon ang ipapataw sa Kongreso at locally-elected public officials, pag-maximize ng kapangyarihan ng pagka-pangulo, at mga termino na rin sa Martial Law.
Saad pa ni Atty. Cera na maituturing naman na isa ang Pilipinas sa mga bansa na may pinakamahigpit o restrictive na Konstitusyon sapagkat sinadya itong idisenyo na mahirap na amyendahan upang mahirapn din itong baguhin ng mga “powers that be” o mga taong nagpapasya kung ano ang pinapayagan o katanggap-tanggap sa isang grupo o organisasyon.
Maliban dito ay inihayag din ng abugado ang kanyang pagkatiyak na hindi lamang ang mga economic provisions ang aamyendahan ng kasalukuyang administrasyon, subalit gayon na rin ang term limits, coverage ng power ng Presidency, at gayon na rin ang kapangyarihan na ibinibigay sa Kongreso, Senado, at House of Representatives.
Kaugnay nito ay binigyang-diin din ni Atty. Cera na malaki ang magiging epekto ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsabing wala sa kanyang prayoridad ang pagsulong sa pag-amyenda sa 1987 Constitution. Aniya na halos lahat ng lider sa Kongreso ay kaalyado ng Punong Ehekutibo at halos wala pang naririnig na oposisyon maliban na lamang kay Senator Risa Hontiveros, o di naman kaya’y si Congressman Edcel Castelar Lagman Sr. na nagsasalita na taliwas sa mga polisiya ng Pangulo.
Subalit kung buo naman ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungkol sa usapin ay tiyak na mamamatay din kalaunan ang ingay sa pag-amyenda sa Konstitusyon. Gayunpaman, kung ipagpapatuloy naman umano ng mga Congress leaders ang mga pagdinig kaugnay sa Charter Change ay maaari namang hindi muna paniwalaan ng publiko ang naging pahayag ng Presidente.