Patuloy pa ring nananawagan sa gobyerno ang pamunuan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na ibasura na ang Oil Deregulation Law at TRAIN Law upang maibalik dito ang kontrol sa pagdedesisyon sa presyuhan ng petrolyo at hindi sa sinasabi ng Department of Energy (DOE).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa Presidente ng PISTON na si Mody Floranda, kaniyang nabanggit na malinaw naman umano na hindi lingguhan o buwanang umaangkat ng naturang produkto sa international market kaya’t hindi naman dapat na magtaas ng presyuhan nito.
Bagamat ikinagagalak naman aniya nilang salubungin ang panibagong bawas presyo sa naturang produkto ngunit aniya balewala lamang din ito kung hindi sasabay ang bawas presyo sa mga pangunahing bilihin.
Isa pa aniya sa kanilang ikinababahala sa ngayon, hindi naman agad na nagbabawas ng presyo ang mga negosyante ng petrolyo dahil nabili raw ng mga ito ang naturang produkto sa mataas na halaga.
Dagdag pa ni Floranda na malabo na umanong bumalik pa sa dating presyuhan ang petrolyo kung saan umaabot pa ito sa P37 hanggang P40 kada litro.
Napapanahon na aniyang mabawi ng Pilipinas ang Malampaya upang magkaroon pa ng posibilidad na maibalik pa ang dating presyuhan ng naturang produkto.