DAGUPAN CITY — Binigyang-diin ni Joanna Concepcion, Chairperson ng Migrante International, na hindi mabisa na magpatupad lamang ng deployment ban sapagkat magugunita na una ding nagpatupad ng temporary deployment ban sa Saudi Arabia makaraang maitala ang libu-libong bilang ng mga OFWs na hindi nabayaran, subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakatanggap ng kanilang sahod at end of service benefits.

Sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi nito ang mga konkretong mungkahi at mga kagyat na aksyon ang Migrante International na maaaring gawin ng pamahalaan sa pagtugon sa iba’t ibang mga suliranin na kinakaharap ng hanay ng mga Overseas Filipino Workers sa iabyong dagat partikular na ang pang-aabuso.

--Ads--

Una na rito aniya ang pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng Philippine government at iba pang mga bansa kung saan idine-deploy ang mga OFWs sa pagpapatupad ng mga patakaran na mangangalaga sa kapakanan ng mga OFWs na isang mahalagang salik sa pagresolba ng mga sulranin na kinakaharap ng mga ito, gaya na lamang ng pamamaraan sa pagsusumbong ng mga pang-aabuso o mga pananamantala na kanilang nararanasan at kung ano ang mga tulong na maibabahagi sa kanla hanggang sa maresolba ang mga kaso na ito.

Ani Concepcion na mahalaga ito upang makamit ng mga naaabusong OFWs ang hustisya na madalas ay hindi nila nakukuha o naaabot dahil sa kawalan nila ng kaalaman sa tamang proseso sa paglaban sa kanilang karapatan. Dagdag nito na dapat ay tinitignang maigi ng gobyerno ang sarili nitong mekanismo partikular na kung paano ipinaglalaban ang kaso ng mga Overseas Filipino Workers.

Pangalawa aniya ay dapat na may konkretong magagawa sa serbisyo, at nagpapakita ng pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers. Saad ni Concepcion na amrami silang natatanggap na report ng mga OFWs kung saan ay hindi nasasagot ng mga kinauukulan ang kanilang mga tawag, hindi rin umano nakukumusta ang kanilang kalagayan o kinakaharap na kaso at hindi rin sila nabibigyan ng iba’t ibang porma ng tulong patungkol sa nararanasang problema.

Aniya na nakakatanggap din sila ng reklamo mula sa mga OFWs na nasa pangangalaga ng sariling embahada ng Pilipinas tungkol sa kanilang kalagayan kung saan ay nakakaranas sila ng pagsisiksikan at maliit na espasyo, kakulangan sa pagkain, at maging ang sarili nilang mga cellphone ay kinukumpiska rin. Pagsasaad pa ni Concepcion na dahil dito ay hindi matitiyak na ang kagyat na welfare assistance sa iba’t ibang porma ay naibibigay ng mabilis at komprehensibong tinitignan ang serbisyong ibinibigay sa mga OFWs.

TINIG NI JOANNA CONCEPCION

Idiniin pa ni Concepcion na malaking bagay ito para sa mga Overseas Filipino Workers sapagkat ito ay nagsisilbing preoteksyon sa mga OFWs na tumatakas mula sa kanilang mga mapag-abuso at mapagsamantalang mga employer, walang tahanan, at nasa panganib ang buhay lalo na’t nasa labas sila ng bansa.

Maliban nito ay binigyang-diin pa ni Concepcion na libu-libo ang pondo ng mga welfare offices, kaya naman ay walang ibang dahilan upang hindi kaagad maabutan ng kagyat na tulong at serbisyo ang mga Overseas Filipino Workers na nangangailangan ng mga ito.