DAGUPAN CITY — Inihayag ni Migrante International Chairperson Joanna Concepcion ang labis na pag-aalala sa libu-libong mga kababaihang Overseas Filipino Workers na nag-apply bilang domestic worker sa bansang Kuwait na lubhang maaapektuhan ng deployment ban na ipinatutupad ng bansang Pilipinas.
Sa kanyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Concepcion na hindi malinaw kung gaano katagal ang naturang ban at kung ito ba ay aabutin lamang ba ng buwan o mga taon. Aniya ay inaalala nila ang kabuhayan ng mga Overseas Filipino Workers partikular na ang mayroon ng mga naprosesong kontrata sa pagtatrabaho sa Kuwait.
Binigyang-diin din niya na ang pangmatagalan nilang alalahanin ay kung papaano mareresolba ang mga malinaw na tumitinding mga paglabag sa karapatang pantao ng mga naaabusong Overseas Filipino Workers sa naturang bansa at iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan.
Ito naman ang kanilang ipinangangamba sapagkat hindi naman naging epektibo sa pagpapahinto ng mga naitatalang pang-aabuso at pagkamatay ng mga Overseas Filipino Workers ang mga nakaraang deployment ban sa ibang mga bansa.
Saad ni Concepcion na bagamat wala silang hawak na konkretong datos patungkol sa kabuuang bilang ng mga apektadong OFWs sa pagpapatupad ng deployment ban, ang bansang Kuwait naman ay kabilang sa Top 4 na mga bansa sa Gitnang Silangan kung saan ay marami ang bilang ng mga OFWs, kaya naman ay inaasahan nila na malaki ang bilang ng mga maaapektuhang manggagawa na mawawalan ng trabaho.
Dahil dito ay nananawagan naman sila ng agarang pinansyal na ayuda para sa mga maaapektuhan na OFWs ng temporary deployment ban.
Kaugnay nito ay nagpahayag naman ng paghamon ang Migrante International sa Department of Migrant Workers at pamahalaan na mag-isip ng labas sa pagpataw sa deployment ban na itinuturing na “reactive” at naipatutupad lamang sa tuwing may naitatalang high-profile cases o mga kaso ng pagkamatay ng mga OFWs sa labas ng bansa o may malaking grupo na inaabuso.
Ani Concepcion na sa kabila ng mga high-profile cases nito, ay batid naman ng gobyerno ang talamak na mga kaso ng pang-aabuso na nararanasan at sinasapit ng mga OFWs na biktima ng hindi makatarungang pagtrato, subalit hindi naman ito nabibigyan ng kagyat na pagtugon.
Saad pa ni Concepcion na panahon na para baguhin ang pagbibigay ng temporary o band-aid solution gaya na lamang ng pagpataw ng deployment ban. Bagkus ay kailangang pag-aralan at siyasating mabuti ng gobyerno ang sarili nitong mekanismo at patakaran na umiiral sa matagal na panahon at mas lalo pang nagpapalala sa kaso ng mga pang-aabuso sa mga Overseas Filipino Workers.