Napapanahon nang ipatupad sa bansa ang isang constitutional reform.
Ito ang idiniin ni Orion Perez Dumdum ang siyang naging kinatawan ng mga Overseas Filipino Workers sa naging pagpupulong ng House Committee on Constitutional Amendments’ sa pagdinig sa nakabinbing mga hakbang sa Charter change (Cha-cha) sa kasalukuyang 19th Congress.
Ayon kay Perez na malaki ang pangangailangan na pagtanggal sa 60-40 equity rule na ipinatupad ng gobyerno ng Pilipinas kung saan ay nagkakroon ng regulasyon sa mga dayuhang pamumuhunan at negosyo sa bansa.
Ito aniya ang isang malaking salik sa kung bakit kulang na kulang ang mga trabaho sa bansa at nagreresulta para marami sa mga Pilipino ang pinipiling magtrabaho sa ibayong dagat.
Tulad aniya na lamang sa pinagtratrabuhan nitong bansa na Singapore kung saan ay malaya ang mga dayuhan na mamuhunan dito kung kaya naman sa kasalukuyan ay nananatiling maganda ang ekonomiya nito.
Dagdag pa nito na oras na rin upang tuluyang maipatupad ang federalismo upang hindi lamang ang Maynila ang maging sentro ng mga trabaho bagkos ay sa lahat ng mga lugar sa Pilipinas.
Pagdidiin pa nito na sa pagpalit ng saligang batas ay magkakaroon ng reporma ang gobyerno na magreresulta sa isang parliamentary system.
Kung tutuusin nagkaroon ng marami rin aniyang pagkakamali ang mga taong bumuo ng 1987 Constitution dahil marami aniyang mga naisama sa Saligang Batas ay hindi naman naaayon sa tamang Political Science at Economic Practice.
Ipinunto rin nito na dahil sa dami ng term limits na ipinatupad ay nagbunga ito ng isang simultaneous family members na siyang namumuno sa isang lugar.
Pagdidiin pa nito na maraming naglilipa ng mga maling balita ukol sa constitutional reform na nagreresulta para ito ay hindi masuportahan ng ilan sa mga mamamayan kung kaya naman maigi aniya na mas magkaroon pa ng kaalaman ang publiko ukol sa usapin na ito para magkaroon na ng pagbabago sa ating bansa.
Samantala tiwala naman ito na maisasakatuparan ang naturang reporma sa pamamumuno na rin ng komite nito na si Sen. Robinhood Padilla na aniya’y nanindigan sa pagsusulong ng federalismo sa bansa.