Tiniyak ng hanay ng kapulisan sa lungsod ng Tarlac na kanilang masusing iimbestigahan ang kaso ng natagpuang patay na retiradong opisyal ng Army sa loob ng abandonadong SUV sa kanilang lugar.
Ayon kay Plt.Col. Ford Batohel Sudaypan na siyang Deputy Chief of Police ng Tarlac City Police Station na kinilala ang retiradong pulisya na si retired Army Lieutenant Colonel Joselito Bulatao Mondero, na residente ng bayan ng Urbiztondo base na rin sa nakitang identification card nito sa loob ng kaniyang sasakyan.
Aniya na ang naturang sasakyan ay nakapangalan sa biktima at idinagdag din ni Sudaypan na sa pauna nilang imbestigasyon ay kumpleto naman aniya ang kagamitan ng mga biktima kabilang na rito ang wallet maging ng pera.
Paglalahad din nito na sa kasalukuyan ay hindi pa nasisiguro kung ano ang dahilan ng pagkasawi nito dahil hinihintay pa rin nila ang resulta ng autopsy report nito bagaman ganoon ay hindi rin aniya nila isinasantabi ang ilan pang mga anggulo sa dahilan ng pagkasawi ng naturang retiradong opisyal.
Una rito ay nakatawag umano sila ng ulat mula sa security guard ng isang subdivision dahil umano sa matagal ng nakaparadang sasakyan.
Sa kanila namang pagresponde ay nakita ang nakahandusay na katawan ni Mondero na natatakpan ng mga sako.
Kaugnay nito ay humihiling naman ito ng pakikipag-ugnayan sa publiko na kung sino ang may sapat na impormasyon ukol sa nangyaring kaso ay agad na ipaalam sa kanilang himpilan upang agad na maresolba ang naturang insidente.