Hirap pa rin ang kalagayan ng mga Pilipinong apketado sa naging 7.8 magnitude na lindol sa Turkey dahil sa nagkakaubusan na sila ng kanilang mga suplay ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain at tubig.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Caroline Cengiz na bukod pa sa problema nilang masisilungan ngayong sinira ng naturang kalamidad ang kanilang pinagtitirhan ay malaki aniyang hamon kung saan sila makakakuha ng tubig at pagkain ngayong malapit na maubos ang kanilang mga natitirang suplay nito.

Aniya na inihayag umano ng kanilang gobyerno na aabutin pa ng isang linggo bago sila mabigyan ng tulong.

--Ads--

Problema rin umano ng kanilang pamilya ang nararanasang oras-oras na aftershocks na sinabayan pa ng mga pag-uulan at ng sobrang lamig na panahon kung kaya minabuti na lamang umano nilang manatili pansamantala sa loob ng kanilang sasakyan habang naghihintay ng tulong.

Ilan na rin umano sa mga residente ang nagkakasakit dahil nasa pagitan aniya ng 2-3 degrees celsius ang temperaturang nararanasan at hindi pa rin aniya naibabalik ang linya ng kuryente sa malaking bahagi ng kanilang bansa,

TINIG NI CAROLINE CENGIZ

Sa ngayon ay plano umano ng kanilang pamilya na makalabas sa kanilang lugar sa Antakya Hatay at magtungo sa kalapit na siyudad.

Samantala pahirapan naman ngayon ang isinasagawang rescue operations sa bansang Turkey dulot ng nararanasang sama ng panahon.

Ayon kay Bombo International News correspondent Weng Timoteo na dahil sa nararanasang winterstorm sa kanilang bansa, ay hirap ang ilang mga rescue teams sa pagsasagawa ng operasyon sa mga apektadong lugar sa kanilang bansa.

Pagsasaad pa nito na ilang mga parte sa Turkey ngayon ang nakakaranas ng malamig na panahon na isang malaking balakid para sa tuloy-tuloy na pagsagip sa mga indibidwal na naaapektuhan ng nasabing lindol.

Dagdag pa nito handa namang maituturing ang kanilang pamahalaan sa mga ganitong klaseng kalamidad kung saan una rito ay nagsagawa pa umano ng isang earthquake drill para sa sapat na kahandaan ng mga residente sa oras ng isang lindol pero kanila aniyang ikinagulat ang malakas na pagyanig na naitala ng madaling araw nito lamang Lunes.

Malaki na lamang umano ang kanilang pasasalamat at sa kasalukuyan, ay wala pang naiuulat na nasawing Pilipino dulot ng nangyaring lindol.

TINIG NI WENG TIMOTEO

Samantala sa ngayon ay umabot na sa 3500 ang nasawi sa naturang 7.8 magnitude na lindol.