DAGUPAN CITY — Arestado ang isang miyembro ng online broadcast media at tatlong iba pang mga lalaki sa isinagawang operasyon ng mga kapulisan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCol. Jeff Fanged, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, sinabi nito na lumalabas sa kanilang isinagawang imbestigasyon na nagtungo ang mga suspect na kung saan isa sa mga ito ay kinilalang si Ronald “Allan” Sison, 55-anyos, miyembro ng isang broadcast media, at tatlo pang kasamahan nito na kinilala namang sina Bryan Caballero, 27-anyos; Arvin Garin, 48-anyos; at Alejandro Caldona, 44-anyos; sa JR Bingo Rama Amusement Center sa Brgy. Tayambani, San Carlos City kung saan ay pinagbantaan nito ang mga biktima na kinilalang sina Bryan Hermohino, 22-anyos, isang peryantes (bet collector); at si Joey Sello Posadas, 31-anyos kung hindi makikipag-tulungan ang mga ito.

--Ads--

Ani Fanged na tinutukan ng baril ni Sison si Hermohino at hiningan niya ito ng pera na nagkakahalaga ng P10,000 kapalit ng proteksyon ng kanilang negosyo. Dahil na rin sa takot at sa napipintong panganib ay napilitan na lamang ang biktima na ibigay sa mga suspek ang hinihingi nilang pera. Matapos nito ay kaagad naman umanong tumakas ang mga suspek.

Dahil dito ay kaagad namang nagsumbong ang mga biktima sa San Carlos City Police Station at kagyat din namang kumilos ang mga kawani ng naturang pulisya sa pagdakip sa mga suspek.

Narekober naman sa kanilang pag-aari, kontrol, at pangangalaga ang iba’t ibang mga ebidensya gaya na lamang ng pera, baril, basyo ng bala, live ammunition, at patalim.

Kaugnay nito ay binigyang-diin din ni Fanged na hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ng grupo ni Sison ang krimen, subalit natatakot lamang ang kanilang iba pang mga biktima na magsampa ng pormal na reklamo laban sa kanila. Hinihinala rin ng mga kapulisan na ang ginagawa nilang robbery extortion ay hindi lamang sa bayan ng San Carlos, subalit sa ibang mga karatig din na lugar.

Saad pa nito na kukuhanan din nila ng certification at pahayag ang National Bureau of Investigation upang kumpirmahin kung totoo nga ba ang sinasabi ni Sison na ahente ito ng nabanggit na ahensya, at kung mapatunayan mang hindi ito nagsasabi ng katotohanan ay ibang kaso na naman ang ipapataw sa naturang suspek.

Maliban dito ay nakipag-uganayan na rin ang Pangasinan Police Provincial Office sa iba pang mga police stations na kung mayroon man slang natatanggap na complaint laban sa mga nabanggit na suspek ay kaagad itong ipagbigay alam sa kanilang opisina nang sa gayon ay maihain ang mga karagdagang kaso laban sa mga ito.

Ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya na ng San Carlos City Police Station para sa kaukulang disposisyon. Sa ngayon ay nahaharap sa kasong robbery extortion at may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 10591 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang apat na suspek.

Panawagan naman ni Fanged sa publiko na kung may alam o kilala silang indibidwal na gumagawa ilegal na aktibidad ay huwag magatubiling ipagbigay alam ito sa kapulisan upang mahuli at masawata ang mga ilegal na ginagawa ng mga ito, at kung mayroon namang mga opisyal ng pulis na umaabuso sa kanilang kapangyarihan ay huwag matakot na lumapit o sumangguni sa kanilang himpilan upang masampahan ang mga ito ng kaukulang kaso.