Patuloy ang panawagan ng hanay ng Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON sa gobyerno ukol sa pabor na makabiyahe parin ang mga tradisyunal na jeepney kaugnay sa pagsusulong ng modernization ng mga pampublikong sasakyan sa Pilipinas.

Kinuwestyon ng Presidente ng PISTON na si Mody Floranda ang pamahalaan kung bakit hindi na lamang nito suportahan ang rehabilitasyon ng public transport upang mas makatulong pa aniya sa pag-unlad ng ekonomiya kesa sa isulong ang naturang programa.

Maaari pa aniya itong magluwal ng mas marami pang oportunidad para sa mga daryber at operator at makikinabang na rin ang mga manggagawang Pilipino na araw araw pumapasok sa kanilang mga trabaho.

--Ads--

Kung aasa lang aniya ang Pilipinas sa mga malalaking bansa, hindi ang sariling atin ang pinagyayaman nito kundi sila.

Batay pa umano sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 7,675 pa lamang daw ang mga nakapag-modernize na ng kanilang mga jeepneys kumpara sa planong pagtatanggal ng gobyerno sa humigit kumulang 182,000 na mga tradisyunal na sasakyan.

TINIG MODY FLORANDA


Nanawagan din ito sa mga kapwa operator maging sa mga mamamayan na patuloy na kondenahin ang pagsusulong nito dahil kaya pa namang aniyang makapag-operate ng mga tardisyunal jeepney gayong napatunayan naman ito sa mahabang panahon.