Bagaman mayroong kalayaan sa paglikha ang mga mamamayang Pilipino, dapat ay napapanatili pa rin ang katotohanang nangyari sa kasaysayan.
Ito ang naging pahayag ni Eufemio Agbayani III ang Officer II ng National Historical Commission of the Philippines Historical Sites Development hinggil sa pagbibigay importansya sa pag-aaral ng historical lessons.
Aniya kailangang maintindihan lalo na ng mga kabataan kung paano nangyari ang mga nangyari sa nakaraan, ano yung mga naging pagkakamali ng mga sinaunang tao upang malaman sa kasalukuyan kung paano bibigyang solusyon ang mga ito.
Bilang karagdagan, importante ring malaman kung ano naman ang mga nagawa ng mga ninuno na maaaring kapulutan ng aral na mabisa, tama at tunay.
Ani pa nito, “we find examples in our history.”
Hinihikayat niya rin ang pagsasagawa ng mga field trips sa mga eskwelahan kung saan ipinakikilala sa mga mag-aaral ang mga naging tatak ng kasaysayan.
Bagaman nakawiwili man aniya ang mga historical films na napapanood ngayon dahil karamihan sa mga tao ngayon ay mas gustong napapanood ang pangyayari kesa sa binabasa lamang ang mga ito, kailangan pa ring maging maingat dahil baka mali ang impormasyong maipahatid sa nakararami.