DAGUPAN, City- Nasa 70 kaso na ng dengue ang naitala sa Rehiyong Uno.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Department of Health Region I, sa naturang datos pinakamaraming naitalang kaso sa lalawigan ng Pangasinan na nasa 44, 16 sa Ilocos Norte, 3 sa Ilocos Sur, 3 sa La Union, at isa sa lungsod ng Dagupan.
Aniya, sa probinsya ng Pangasinan, pinakamaraming naitala sa lungsod ng Urdaneta na nasa 7 kaso.
Sa ngayon ay wala pang naitatalang nasawi kaugnay sa nabanggit na sakit.
Nakukuha ang sakit na ito mula sa dengue virus na kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng mga lamok na may dala-dala nito: ang Aedes aegypti at Aedes albopictus.
Ang mga karaniwang sintomas ng sakit na dengue ay katulad ng mga makikita sa mayroong flu, kagaya ng pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo at ng mga kasu-kasuan, pagkahilo, maging ang pagdurugo sa ilang bahagi ng katawan.
Nilulunasan lamang ang epekto ng mga sintomas nito sa pamamagitan ng pagpapababa ng lagnat, pagpapalakas ng immune system, at paglunas sa pananakit ng pangangatawan.
Paalala naman ni Bobis upang hindi naman maging biktima ng nabanggit na sakit, mainam na gawin ang 4S strategy gaya ng Search and destroy mosquito breeding places, Self-protection or protecting oneself from mosquitos carrying dengue virus, Seek early consultation from doctors or other health personnel, at Support fogging or spraying in hotspot areas.