DAGUPAN, City- Nais ng kauna-unahang Aeta na nakapasa sa criminology board exam na mabigyang inspirasyon ang kanyang tribu na maingat ang kanilang kamalayan at kalagayan sa San Ramon Floridablanca, Pampanga.
Ayon kay Dexter Valenton, sa kabila man ng mga diskriminasyon sa kanilang etnisidad, hindi umano siya nagpatinag na gawin ang kanyang makakaya upang tuparin ang kanyang pangarap na maging isang pulis upang makatulong sa kanyang pamilya at sa kanyang komunidad.
Aniya, sa kabila ng hirap, nagpursige ito sa kanyang pag-aaral lalo na sa paghahanda sa kanyang eksaminasyon.
Wala umano siyang sinayang na pagkakataon upang tutukan ang kanyang mga aralin upang maging pamilya sa mga nakapaloob sa naturang board exam.
Kwento ni Valenton, saksi siya sa mga pagpapagal nang kanyang mga magulang para matulungan siya sa kanyangpag-aaral sa pamamagitan ng pagtatanim at mabuti na rin na mayroon din siyang natanggap na scholarship mula sa provincial government ng Pampanga.
Pangarap din umano niya na maging isang pulis lalo na at wala pa sa kanilang tribu ang nakapagtapos sa naturang kurso kaya naman nang siya ay makapasa sa nabanggit na board exam ay nagpapasalamat ito sa taong tumulong at naniwala sa kanyang kakayanan.
Hindi rin niya inaasahan ang pag-viral ng kanyang kwento kamakailan sa social media.
Sa ngayon, ay tinitignan na niya na mag-apply para maging ganap na pulis.
Payo naman niya sa mga nais na makamit ang ganitong tagumpay, samahan lamang umano ng sipag, tiyaga, at huwag magsasawang magtiwala sa Panginoon upang malagpasan ang anumang pagsubok na kaharapin.