DAGUPAN CITY — Hindi maipaliwanag ang saya.
Ito ngayon ang nararamdaman ni John Enrico “Joco” Vasquez, Karateka National Athlete Gold Medalist, matapos nitong masungkit ang gintong medalya sa kategoryang Male Kata sa katatapos lamang na Ontario Karate Championships.
Sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na kakaiba ang naging karanasan nito sa nabanggit na kompetisyon lalo na’t naging tradisyonal ang point system sa sinalihang kategorya at hindi ito katulad nang nakagawian na niyang sistema sa pagsali sa World Karate Foundation.
Aniya na kung sa karaniwang bracket ay makakaabante agad ang isang atleta sa final rounds matapos na ito ay manalo sa kanyang mga unang laban, iba naman ang naranasan nito sa Ontario Karate Championships kung saan ay nagkaroon pa aniya ng double elimination pagapak ng mga atleta sa final rounds.
Dahil dito ani Vasquez ay anim na beses pa itong sumabak sa magkakasunod na elimination challenges bago ito tumuntong sa pinaka-huling round ng kompetisyon. Saad niya na bagamat nakakapagod man ang kanyang pakiipaglaban para sa kampeonato ay hindi naman nito mapapantayan ang kanyang saya sa pagkakapanalo ng gintong medalya.
Dagdag pa niya na bagamat kakaaral lamang nito sa huling kata na ipinamalas niya sa mga hurado, inisip na lamang niya na makakatulong din ito upang makakuha pa siya ng panibagong karanasan, subalit hindi naman nito inasahan na ito ang magtutulak upang masusungkit niya ang kampeonato.
Nakatunggali naman nito ang ilang miyembro ng National Team ng Canada, kung saan ang dalawa dito ay national champion ng Canada at consistent gold medalist ng Ontario, at iba pang malalakas na Karateka athletes.