DAGUPAN, City- Patuloy na iniimbestigahan ng hanay ng Pangasinan Police Provincial Office ang sanhi ng nangyaring road mishap sa limang sasakyan sa Brgy. Poblacion, Sual, Pangasinan.

Ayon kay PMaj. Ria Tacderan, Public Information Officer ng Pangasinan PNP, nakikipag-ugnayan sila sa mga witnesses at ilan pang anggulo sa nangyaring insidente.

Sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na binabaybay ng puting Chevrollet Trailblazer SUV na minamaneho ni Giovani Galva, 47-anyos, may live-in partner, at residente ng Amado Tapuac, Dagupan City; black, Toyota Vios Sedan na minamaneho ni Dean Rivera, 37-anyos, single, doktor, kasama ang dalawang pasahero nito na sina Raniel James Patitico, 25-anyos, at Jun Antonio Madrigal, 54-anyos; blue Isuzu Sportivo SUV na minamaneho ni Carlos Capili, 59-anyos, may asawa, physician; at ng blue and white sportsbike motorcycle na minamaneho ni Elmanuel Page Maglanoc ang national highway patungong Kanluran nang mawalan ng kontrol ang isang multicolor Patrans bus na patungon naman ng Silangan at minamaneho ni Romeo Molina, 61-anyos, at residente ng Brgy. Bolo, Labrador, Pangasinan.

--Ads--

Dahil dito ay nasakop ng bus ang kabilang linya, dahilan upang aksidenteng nabangga nito ang mga nabanggit na apat na sasakyan. Nag-resulta naman ito ng pagkasira ng mga sasakyan at dahilan na rin upang magtamo ang mga kinilalang driver at pasahero ng mga galos at sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan.