Sasampahan ng kasong murder ang person of interest sa pagpaslang sa isang 39-anyos na guro na kalauna’y natagpuang palutang-lutang ang wala ng buhay at naaagnas nang katawan nito sa Linoc River sa Brgy. Linoc, Binmaley, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Lodovico Ellazar, Jr., sinabi nito na kinilala na ang biktima ng mga kamag-anak nito na si Mark Lagleva, 39-anyos, online teacher, at residente ng Brgy. Corcodia, Bolinao, Pangasinan.
Saad ni Ellazar na natukoy lamang ng mga kamag-anak ng biktima ang pagkakakilanlan nito sa pamamagitan ng singsing na natagpuan ng Pangasinan Forensic Unit ng bayan ng Lingayen sa pangunguna ni PCapt. Diana Lorraine Mañibo.
Sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na nagtamo ang biktima ng multiple stab wounds sa katawan nito at nakagapos din ang kanyang paa, kamay, at ulo gamit ang isang panali habang natagpuan naman ang isang malaking bato sa loob ng kanyang damit.
Matatandaan na wala ng buhay at naaagnas na nang matagpuan ang katawan ng biktima sa Linoc Bridge sa Brgy. Linoc, Binmaley noong Huwebes, Enero 26, ng tatlong mag-aaral na sila namang nag-paalam sa mga kinauukulan.
Ani Ellazar na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng kapulisan ang tinutukoy na person of interest, subalit pinagaaralan pa rin nila kung mayroon ba itong kasabwat o kung may iba pang accessory sa paggawa nito sa krimen.
Nagpapatuloy naman ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa kung anong motibo ng kinilalang person of interest sa krimen sa pag-gawa nito sa naturang krimen.
Paalala naman nito sa publiko na mag-ingat parati at huwag basta-basta magtiwala sa iba lalo na kung hindi pa naman sila lubusang kakilala.