Nakikipag-unayan na ang hanay ng kapulisan sa mga paaralan upang payagan ang mga itong makapasok sa bisinidad.

Ayon sa panayam kay PMaj. Ria Tacderan, ang Public Information Officer ng Pangasinan PNP, ang motibo ng pagsasagawa nito ay upang magkaroon ng seguridad ang mga mag-aaral maging ang kanilang mga magulang na naghahatid-sundo sa kanila.

Ito ay matapos silang makapagtala ng aabot sa 205 na vehicular incident kung saan mga estudyante ang biktima at 114 naman ang mga estudyanteng nakabangga o nakadisgrasya.

--Ads--

Hinala pa niya na baka wala pang mga lisensya ang mga ito kaya’t paalala ng naturang opisyal sa mga magulang na huwag nilang hayaan ang kanilang mga anak na magmaneho ng wala pang lisensya at kaukulang training.

Maliban pa rito, mayroon pa silang naitalang humigit kumulang 200 kaso ng pagnanakaw magmula pa noong Enero nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.

Ito ang mga dahilan kung bakit hinikayat ng mga kapulisan na magkaroon sila ng access upang makapasok sa mga paaralan.

TINIG NI PMAJ. RIA TACDERAN


Pagdating naman aniya sa mga isinasagawa nilang security procedures, nakahanda naman ang kanilang guwardya kung sakali mang may mga mag-aaral na mahulihan ng mga matutulis na bagay.

Iniinspeksyon muna ng mga ito ang bag ng mga estudyante bago pumasok sa loob ng paaralan.

Dagdag pa niya na mayroon ng mga paaralan kung saan naka-establish na sila ng mga PNP desk upang magkaroon ng takot ang mga estudyante na gumawa ng masama sa pamamagitan lamang ng presensya ng mga kapulisan.

Isa pa aniya sa kanilang target na mabigyang kaayusan ay ang isyu ng bullying sa mga paaralan kaantabay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).