Tiniyak ng Pangasinan Police Provincial Office na kanilang iimbestigahan ang umano’y panghaharass ng Bayambang PNP sa testigo ng senado kaugnay sa pagsirit ng presyo ng sibuyas.
Ito ang paliwanag ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. alinsunod sa pagkamatay ng isang onion farmer sa naturang bayan.
Ayon kay Azurin, nais ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mabigyan ng linaw ang naging pahayag ni Merlita Gallardo, ang siyang asawa ng biktima nang humarap ito sa senado.
Lumalabas aniya sa kanilang imbestigasyon na ang asawa nitong si Roger Gallardo ay namatay noong Enero 2021 at hindi ngayong taon.
Kaugnay pa rito, nais din malaman ng pulisya kay Merlita kung ang bilang ng mga nagpakamatay sa lugar dahil sa pagkalugi sa pagtatanim ng sibuyas ay lima dahil wala umano ito sa kanilang talaan.
Itinanggi rin ni General Azurin na pinababawi nila kay Merlita ang naging salaysay nito sa Senado.
Samantala, humingi ng paumanhin ang PNP kung nagdulot ng takot ang pagpunta ng kanilang mga tauhan sa bahay ng naturang mamamayan.
Nakipaguganyan na rin aniya sila sa Pangasinan Police Provincial Office upang maimbestigahan ito.
Sa inilabas na pahayag ng Pangasinan PPO, tiniyak ni Pangasinan Police Director Police Colonel Jeff Fanged na pananagutin niya ang mga nasabing pulis kapag napatunayang totoo ang alegasyon laban sa mga ito.