Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Dagupan na tuloy-tuloy ang isinasagawa nilang decongestion measures sa mga piitan upang matiyak na nasa maayos na kalagayan ang lahat ng mga persons deprived of liberty o mga PDLs.
Ayon kay JSupt. Roque Constantino Sison III, ang siyang city jail warden ng BJMP Dagupan na kanilang tinitiyak na walang nangyayaring overcrowding sa mga kulungan.
Aniya na sa kasalukuyan ay hindi na problema pa ang isyu ng congestion dahil na rin sa mas pinaigting pang mga hakabangin para sa mabilis ang pagpapalaya sa mga kwalipikadong Person Deprived of Liberty (PDL) na nasa kanilang kustodiya.
Kabilang na aniya rito ang paralegal decongestion programs ng kanilang hanay maging ang release of recognizance kung saan ang hukuman kung saan isinampa ang kaso ng naturang tao ay magbibigay-daan sa pagpapalaya ng akusado sa kustodiya ng isang kwalipikadong miyembro ng barangay, lungsod o munisipalidad kung saan naninirahan ang akusado.
Dahil dito aniya ay dati mula sa 50 hanggang 70 PDL sa bawat dormitoryo ay mayroon na almang higit 40 na PDL at mayroon na rin aniya silang kaniya-kaniyang mga bed bags dahil sa tuluyang pagluwag ng kanilang piitan.
Samantala isinaad din ng naturang opsiyal na malapit nang maging operasyonal ang itinayong District Jail sa San Fabian kung saan ay maililipat sa naturang kulungan ang mga PDLs na hindi residente ng lungsod ng Dagupan.
Sa nabanggit aniya na District Jail ay aasahang magsisilbi ito sa lahat ng mga bayan sa ikaapat na distrito ng probinsya ng Pangasinan.
Pagdidiin pa nito na kanilang sinisiguro ang kapakanan ng lahat ng mga PDLs lalong lalo na sa pagmonitor sa kanilang mga kalusugan sa gitna ng inaasahang paglaganap ng sakit ngayong panahon ng taglamig at gayudin sa mga rehabilitation programs sa kanilang hanay.