DAGUPAN CITY — “Mayroong bagay na dapat noon pa ginawa ng gobyerno.”

Ito ang naging pahayag ni Rafael “Ka Paeng” Mariano, Chairman Emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan patungkol sa usapin sa bentahan ng sibuyas sa mga lokal na pamilihan sa bansa.

--Ads--

Aniya na dapat ay ginamit o dapat lang na gamitin ng gobyerno ang pertinenteng probisyon ng Republic Act 7581 o ang Price Act of 1992, partikular na ang nakasaad sa ilalim ng Section 7 ng naturang batas na Mandated Price Ceiling na nagsasaad na ang Pangulo, sa rekomendasyon ng nagpapatupad na ahensya, o ng Price Coordinating Council, ay maaaring magpataw ng ipinag-uutos na price ceiling, kung saan ay kikita rin ang mga onion dealers at vendors, para sa mga produkto sa anumang pangunahing pangangailangan o pangunahing bilihin kung ang mga ito man ay umakyat na sa hindi makatwirang presyo.

Maaari rin aniyang gamitin ang Section 9 ng parehong batas para sa paglalaan ng buffer fund sa implementing agency gaya na lamang ng Department of Agriculture kung saan ay ay maaari itong kumuha, bumili, mag-import, o mag-imbak ng anumang pangunahing pangangailangan o pangunahing bilihin, gumawa ng mga paraan at paraan ng pamamahagi ng mga ito para sa pagbebenta sa mga makatwirang presyo sa mga lugar kung saan may kakulangan ng suplay o pangangailangang magsagawa ng mga pagbabago sa umiiral na presyo nito.

Para naman sa mga magsasaka ani Mariano, ay maaaring gamitin ng Department of Agriculture ang pertinenteng probisyon ng Magna Carta for small Farmers na dapat ay matagal na nilang ginamit noon pa man, partikular na ang Section 82 na naglalaman ng mga karapatan ng mga maliliit na magsasaka na sumali sa palengke o pamilihan na malaya sa monopolyo at kartel.

Maaari rin ani Mariano na gamitin ang Section 25 na kumikilala naman sa Department of Agriculture bilang ahensya na magtatatag ng Price Support System o di naman kaya ay magtakda ng resonable, makatwiran, at abot-kayang farm gate price sa mga pamilihan.

Kaugnay nito, binigyang-diin pa ni Mariano na hindi masisisi ang mga magsasaka at mamimili kung nagpapatuloy man ang kanilang panawagan sa gobyerno na tugunan na ang napakalaking suliranin nito sapagkat mayroon namang mga batas na humahalili at maaari namang gamitin ng mga kinauukulang ahensya kaugnay sa usapin na ito.

Dahil dito aniya ay hindi na dapat pang ituloy ang planong pag-angkat ng sibuyas sapagkat papasok na rin ang bansa sa kasagsagan ng pag-aani ng nasabing produkto sa darating na Pebrero dahil ang kikita lamang dito ay ang importers at smugglers.

Nananatili naman aniyang isang napakalaking palaisipan kung bakit sa kabila ng pagkakaroon ng mga batas na ito ay hindi pa rin ma-implementa ng kinauukulang ahensya ang pagkakaroon ng mababang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan at gayon na rin ang penal provision sa batas sa pagpapataw ng karampatang kaparusahan sa mga nahuhuling nasasangkot sa mga ilegal na aktibidad kaugnay nito gaya na lamang ng price manipulation, hoarding, at cartelization.