DAGUPAN CITY — Pro-people, pro-health worker at malinis ang track record.

Ito ani Robert Mendoza, Presidente ng Alliance of Health Workers, ang mga katangian na dapat ay taglayin ng isang opisyal na uupo bilang Kalihim ng Kalusugan sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.

--Ads--

Aniya na dapat magpakita rin ito ng seryosong pagtatalaga ng sarili sa kanyang susumpaang tungkulin bilang isang public health servant, at paninindigan at pagkakaroon ng puso para sa mga health workers at mamamayang Pilipino.

Saad ni Mendoza na marami pang utang ang Kagawaran ng Kalusugan sa mga health workers gaya na lamang ng kanilang health emergency allowance at iba pang mga benepisyo na matagal ng sinisingil sa kanila ng mga nurses at health workers ng bansa.

Dagdag pa niya na dahil may karapatan naman ang Pangulo na magtalaga ng opisyal na manunungkulan sa ahensya ay hindi sana mag-dalawang isip ito kundi kagyat sanang mayroon ng maitalagang uupo bilang Health Secretary nang sa gayon ay maibigay na nila ang nararapat sa serbisyo sa mga Pilipino at upang hindi na rin sila mapilitng humanap ng trabaho sa ibang bansa.

Ito naman aniya ang kanilang ipinanawagan sa Punong Ehekutibo sa isang liham na kausapin nito ang mga health workers upang malaman na ang kalagayan ng mga ito at matugunan ito sa lalong madaling panahon.

Subalit labis naman nila itong ikinadidismaya sapagkat hanggang ngayon ay wala pa rin silang nakikita o natatanggap na tugon o sagot mula naman sa Malacañang patungkol naman sa civil service laws na nagsasaad na dapat sa loob ng 15 ay matugunan ng gobyerno ang mga ganitong usapin.

Kaugnay nito ay nagpapatuloy naman ang kanilang panawagan sa gobyerno na ibigay na sa kanila ang kanilang public health emergency allowance upang matanggal naman ang tinatawag na demoralization ng mga public health workers.