Pumanaw na ang kauna-unahang babaeng alkalde ng bayan ng Calasiao na si Mayor Mamilyn “Maya” Caramat sa edad na 52 taong gulang kanina lamang madaling araw.
Sa inilabas na pahayag ng Facebook Page ng naturang alkalde ay inilahad ang malungkot na balita sa publiko.
Gayunpaman, wala pang ibinibigay na pahayag ukol dito ang kaniyang nagluluksang pamilya at maging ng mga councilors ng naturang bayan.
Asahan na lamang umano ang kanilang anunsyo ukol sa kaniyang memorial.
Nakahalf-mast na rin ang bandila ng munisipyo ng naturang bayan upang magbigay galang sa kanilang pumanaw na alkalde.
Nagdadalamhati naman ngayon ang mga kaanak at mga residente ng Calasiao matapos mapag-alaman ang ulat na ito.
Ayon kay Kgd. Bernard Santillan ng Brgy. Nalsian sa naturang bayan na kaniya umanong ikinabigla ang biglaang pagpanaw ng naturang alkalde.
Ikinalulungkot anila ang balitang ito lalo na’t maituturing na isang magandang lider ang pumanaw na alkalde.
Ganito rin ang sentimyento ni William Tamayo Perez na isang Tricycle Driver sa Calasiao na sa pitong buwan niyang pamumuno sa kanilang bayan ay marami umanong mga magagandang plano ang sana’y inihahanda para sa kanila.
Kung kaya naman malaki aniya ang panhihinayang nilang hanay ng mga draybers sa biglaang pagpanaw nito.
Samantala inilahad naman ni Amado Estrada na Residente sa nabanggit na bayan na simula ng maupo ang alkalde sa kanilang gobyerno ay naging malinis ang mga kakalsadahan at nagkaroon aniya ng mga magagandang pagbabagong naipatupad sa kanilang bayan.
Inihayag din ng ilang mga tindera sa bayan ang kanilang patuloy na pakikiramay kung saan isinaad ni Myra Gonzales na isang Puto Vendor na labis ngayon ang kanilang kalungkutan para sa biglaang balita ng pagpanaw ng kanilang maituturing na ‘ina’ ng bayan ng Calasiao.