DAGUPAN CITY — Labis na ikinalungkot ng hanay ng mga guro ang paninindigan ng gobyerno na ibigay ang confidential funds at P4.5-billion pondo para sa Office of the Vice President kumpara sa P150-million na pondo para sa Kagawaran ng Edukasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay France Castro, ACT Partylist Representative, sinabi nito na maaari sanang magamit ang confidential funds na ito sa mga mas mahahalagang pagtuunan ng expenses ng Department of Education gaya na lamang ng mga resources at kagamitan sa pagtuturo.

--Ads--

Subalit nananatili lamang itong isang malaking tanong kung saan wala silang kamalayan kung papaano naman gagastusin ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio.

Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Castro na kanilang bubusisiing maigi kung paano ito gagastusin ng Office of the Vice President.

Naniniwala naman si Castro na mahalag rin sanang mapagtuunan ng pansin ang Education Commission (EdComm) na naglalayong pagusapan ang pag-overhaul sa K-12 Program ng Department of Education at pondohan ito ng husto, dahil base na rin sa kanilang pagtataya, ay kulang na kulang ang budget sa naging implementasyon ng nasabing programa.

Maliban pa dito ay umaasa rin si Castro na magkakaroon na ng mabusising assessment ang K-12 curriculum nang sa gayo ay matugunan na ang mga problema at kakulangan dito partikular na ang pag-aaral sa objective ng Senior High School kung saan hanggang ngayon ay marami pa ring graduate ng curriculum ang hindipa rin nakakahanap ng trabaho na tila taliwas naman sa layunin nito na linangin at hubugin ang kakayahan ng mga mag-aaral para makapagtrabaho.

Dagdag pa ni Castro na layunin din nila na maibalik ang asignatura na Philippine History sa High School, at ayusin ang methods at strategies sa pagtuturo ng Science at Mathematics habang back to basic naman ang pagtuturo ng reading comprehension sa parehong lokal na dayalekto at banyagang wika sa mga paaralan.

Nais din nila aniyang tutukan ang underemployment o ang hindi pagkakapantay ng natapos na edukasyon ng mga kabataan sa kanilang nakuhang trabaho.

Kaugnay nito ay dapat ding ikonsidera ang kakayahan ng isang guro sa pagtuturo sa mga mag-aaral ng K-12 curriculum nang sa gayon ay hindi naman makompromiso ang edukasyon ng mga kabataan.